SABONG IPAGBABAWAL NA NGA BA?

PUSONG SABUNGERO

(PART 5)

NAPAKA­SARAP gunitain ang mga bagay na nagpapataba ng puso sa mga taong nahuhumaling sa isport ng sabong. Sa dami na po ng ­aking nakapanayam, iisa ang kanilang bi­nibigkas pagdating sa larangan na sabong. Hindi maikakaila na sila ay lubhang nasisiyahan, nalilibang at nagtatanggal ng stress sa oras na makita nila at mahimas ang kanilang mga manok pansabong. Isang ha­limbawa rito ay ang aking nakapanayam na si NIEL SUMITANI, isang native ng BIG ISLAND sa Hilo, Hawaii na kitang-kita at damang-dama mo ang kanyang pagkahumaling sa mga alaga niyang manok pansabong.

Nang kami ay magkadaupang-palad ay hindi ko mapigilan ang aking sarili na siya ay tanungin kung ilang taong gulang na siya. Ako po ay humanga sa kanyang lakas at sigla bukod sa matipunong katawan at magandang kalusugan. Grandpa, how old are you? Tanong ko sa kanya. Ang kanyang tugon ay hulaan mo. Hinulaan ko at sinabing sa tingin ko ay 70 years old na siya. Halakhak ang kanyang simpleng tugon sa akin at nang ako ay kanyang sagutin, sinabi niyang siya ay 90 taong gulang na!!!

Ako po ay nagulat at natuwa dahil mararamdaman mo sa kanya ang sobrang pagkahumaling sa manok at dagdag na sinabi niyang, “These chickens is   what keeps me alive!” In what ways, tanong ko sa kanya, simple lang po ang kanyang kasagutan nang sabihin niyang, “Every year I look forward to every breeding that I do and I eagerly await the stags that I will produce until such time that I spar them. This is one of the reasons why I keep myself fit. Every morning I make it a point to wake up at 4:00 AM and I clean the entire farm, give water and feed them, I guess these are the things that are keeping me healthy, alive and well.” Mga katagang nakatataba ng puso na may magandang nagagawa ang sabong sa buhay na­ting mga mahilig dito. Isa lamang si NEIL SUMITANI sa napakaraming sabungero na nabibigyan ng magandang kalusugan at masayang buhay dahil sa hilig sa isport na ito.

Hindi maikakaila na kung tunay ngang ­mangyayari na tuluyan nang ipagbabawal ang sabong sa ating bansa, malamang ay malawakang gulo at protesta ang haharapin ng gobyerno dahil sa laki ng kontribusyon nito sa ekonomiya ng bansa. Ayon sa pagsasaliksik ng GAMEFOWL INDUSTRY,  umabot sa P50 billion industry at taon-taon ay lumalago dahil sa dumaraming gusto na ring magpalahi at maglaban ng manok. Isang malinaw na indikasyon ay pati mga OFW at mga dayuhan ay gusto na ring magpalahi ng manok panabong dito sa Filipinas.

Bukod pa riyan ay ang paglago ng sabong sa mga karatig na bansang unti- unti nang nahihilig dito tulad ng Malaysia, Thailand, Indonesia,Cambodia at Vietnam. Sa ngayon ay marami na ring mga dayuhan ang namimili ng manok sa ating bansa upang alagaan at ilaban sa kani-kanilang lugar. Ang Me­xico, Peru. Puerto Rico, Hawaii, Guam, Marianas Islands ay mga bansang masigla ang sabong su­balit ngayon ay inaatake na rin ng mga Animal Rights Movement sa pamamagitan ng paglalabas ng panukalang ipagbawal na rin ang sabong sa  US TRUST TERRITORIES.

Unti-unti nang gu­magapang ang mga kalaban ng sabong dahil para sa kanila ay kalupitan sa ha­yop ang ating libangan. Kanilang paniwala na pi­nipilit nilang tanggapin natin kahit na malinaw na tayo ay hindi sang-ayon dito. Sabi ng mga breeder sa AMERIKA noon, ang panukalang gawing ilegal ang sabong ay malabong magtagumpay dahil maraming nasa mataas na puwesto sa gob­yerno ay nasa isport na ito. Totoo po ito, noong araw na panahon nina GEORGE WASHINGTON, QUINCY ADAMS,THOMAS JEFFERSON at ABRAHAM LINCOLN na mga kinikilalang sabungero, haligi at pangulo ng bansang Amerika, maririnig mo sa mga labi ng mga matatandang sabungero ang  mga katagang, impossible, not in our lifetime at revolution if cockfighting is deemed illegal in the US.

Sila mismo ay hindi naniniwala na mawawala ang sabong sa AMERIKA subalit nilagdaan ni Pangulong GEORGE BUSH noong August 8, 2008 na bawal na ang sabong sa lahat ng ESTADO sa AMERIKA, isang batas na nagdulot ng ma­sidhing lungkot sa mga sabungero sa Amerika. Nakalulungkot subalit dapat sundin ang batas, ‘yan ang mga kataga ng mga lumaban dito. Sa aking pananaw, nagpabaya ang maraming may  farms doon at inasa na lamang na ang panukala ay mawawala na lamang o will die a natural death. Malaking pagkakamali dahil hindi sila nagkaisa upang labanan ang mga grupong ito na napakalakas ng impluwensiya at maraming pondo upang ilaban sa mga sabungero.

Lalong gumaganda at lumalalim ang talakayan tungkol dito at sa susunod na Linggo ay pag-uusapan naman natin kung ano ang mga ginagawa ng mga Filipino upang ipagtanggol ang sabong sa ating bansa.

Comments are closed.