SABONG MABILIS NA LUMALAGO

sabong

NAKAGUGULAT ang mabilis at tuloy-tuloy na paglago ng sabong ‘di lamang sa Filipinas kundi maging sa ASEAN REGION tulad ng Vietnam, Cambodia, Thailand, Malaysia at Indonesia.

Sa Indonesia, kapuna-puna  lalo na sa Bali ang punong mga sabungan at siksikan ang mga tao tuwing may sabong. Ibang klaseng hilig at pagkahumaling sa sabong ang ipinamamalas ng mga Indonesian. Sa Vietnam naman ay mapapansin na ang mga sabungan ay nasa loob ng casino at sa border ng Cambodia at Vietnam. Iba’t ibang uri ng tari ang ginagamit sa mga bansang aking nabanggit. Gaff o parang ice pick na kinakabit sa dalawang paa ng manok ang sandatang ginagamit sa Vietnam at Cambodia samantalang long knife naman sa Malaysia at Indonesia na ang tawag nila ay SULAT , isang uri ng tari na tulad sa atin ngunit iba ang pagkakabit nito kumpara sa tradisyunal na taring Filipino.

Dahil sa sigla ng sabong sa mga bansang ito at sa Filipinas ay tumaas ang demand o pangangailangan ng mga dekalidad na lahi ng manok panabong. Dumarami ang pumasok na sa pagpapalahi dahil sa araw-araw na ginaganap na sabong sa  iba’t ibang sulok ng bansa maging sa  ASEAN countries na aking nabanggit sa column kong ito. Kaakibat ng paglago ng sabong ay kasunod na rin ang iba’t  ibang uri ng ne­gosyo ang nagsulputan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga sabungero tulad ng patuka, gamot, supplemento, bakuna, tare at tare accessories, kulungan, incubator, lambat, wingband, legband, waterers, feeders at maging construction materials pati na rin lumang mga gulong na ginagawang teepee o silungan ng mga manok, tali o cord at marami pang iba. Sa aking nabanggit ay malinaw na napakaraming negosyo ang mabubuo at uunlad dahil sa laki ng panga­ngailangan ng mga sa­sabunging manok.

Sa ngayon ay tinatayang P50 BILYON na ang industriya ng sabong at higit sa ISANG MILYONG manok ang naisasabong kada buwan. Upang tuluyang masuportahan ang isport na ito ay kaila­ngan nating magpalahi o mag-produce  ng humigit kumulang sa 30 MILYONG manok panabong kada taon. Sa ganito karaming bilang ay malinaw na malinaw na napakaraming mabibiyayaan at magkakaroon ng ha­napbuhay sa ating bansa. Mula sa mga tauhan sa sabungan, manukan, mga tauhan sa feedmills, gumagawa ng mga veterinary drugs and supplements,tari, kulungan, incubators at kung ano-ano pa.

Ayon sa ating pag-aaral sa ginanap na WORLD GAMEFOWL EXPO noong January 18,19 &20, ang umikot na pera at benta ng mga manok at mga kagamitan ay umabot sa humigit kumulang 100 MILYONG PISO. Nakamamangha  at nakatutuwa dahil dito ay makikita natin na talaga namang hindi na mapipigilan ang mabilis na paglago ng sabong hindi lamang sa atin kundi sa mga karatig-bansa na tulad ng mga Pinoy na tuluyan nang nahuma­ling sa sabong.

Hindi na maikakaila na ang sabong ay isang malaking puwersa na at napakaganda ng kanyang kontribusyon sa ekonomiya ng ating bansa. Ang mabilis na paglago ng industriya ay mararamdaman dahil na rin sa rami ng mga sabungan na nagsusulputan at pinagagawa sa buong Filipinas.

Ito na rin ang tamang panahon upang puspusan nating suportahan ang libangang ito dahil dito na lang sa Filipinas  tinatanggap,  sinusuportahan at pinahahalagahan ng lipunan ang sport na ito. Sa ibang bansa ay unti-unti na ring namumulat ang mga sabungero sa magandang nagagawa at napakaraming kabuhayan na naitataguyod dahil sa sabong.

Ako po ay handang tumulong upang isulong ang tuloy-tuloy na paglago at pag-unlad ng sabong sa anumang sulok ng bansa.

Ipinagmamalaki ko na ako ay isang ­sabungero at ipaglalaban po ng inyong lingkod ang pagkaka­kilanlan, respeto at pang-unawa. lalong-lalo na sa mga kritiko na tinutuligsa at pilit na iginigiit na ang sabong ay kalupitan sa hayop at isang uri ng sugal lamang.

Nirerespeto po namin ang kanilang mga paniniwala at adhikain subalit tama lamang na galangin natin ang kultura ng isang bansa at hindi diktahan o turuan kung ano o tama sa mga naka­gisnan nang tradisyon na minana pa sa ating mga ninuno, daan-daang taon na ang nakalilipas.

Comments are closed.