SABONG MAGBABALIK NA!

SABONG NGAYON

SA WAKAS ay pinayagan na rin ng ating pamahalaan na muling makapagbukas ang ating mga sabungan. Kaya naman marami po sa ating mga kasabong ang labis na natuwa nang malaman ang balitang ito.

Sa inilabas na resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF), pinahihintulutan na nito na makapag-operate at magsagawa ng mga palaban ang mga lisensiyadong sabungan o cockpits sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) o mas mababa pa, basta mahigpit lamang na ipatutupad ang health at safety protocols at implementing guidelines na inisyu ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Subalit hindi naman pinapayagan ng task force ang in-person audience (ibig sabihin bawal muna sa mga sabungan ‘yung mga magtratrabisya), online o remote betting, at live broadcasting o telecasting ng labanan ng mga manok.

Dapat po nating pasalamatan sina GAB Chairman Baham Mitra at Congressman Sonny Lagon sa pagsusumikap nila na maiparating sa kinauukulan ang kahilingan ng libo-libo nating mga kasabong na lubos na naapektuhan ng pandemyang ito at ng mga pamilyang umaasa sa ikinabubuhay sa industriyang ito.

May mga gamefowl breeder din at cockpit operator na personal na nagpadala ng liham sa ating pamahalaan para hilingin na muling payagan na magbukas ang mga sabungan.

Hanggang  walang sabong ay maraming mga pamilya ang magugutom dahil mahina ang bentahan ng manok kung saan dito kinukuha ng ilang mga breeder ang ipinasasahod nila sa mga tauhan nila sa farm, dagdag pa riyan ang mga napapanalunang premyo sa mga derby  kung saan may porsiyento o bahagi rito ang mga tauhan sa farm.

Hanggang walang sabong ay walang kinikita ang ating mga mananari, sentenciador at manggamot.

Hanggang walang sabong ay humihina rin ang kita ng feeds industry at mga kompanyanc gumagawa ng mga suplemento para sa manok panabong. So, ibig sabihin sa muling pagbubukas ng mga sabungan ay makatutulong  ito para muling umangat ang ating ekonomiya.

May ilang breeders kasi ang nagsasabi na pansamantala muna silang hihinto sa pagbi-breed at ‘yung iba naman ay magbi-breed lamang ng kaunti kung hindi pa rin papayagan na ibalik ang sabong. Oo nga naman bakit ka magbi-breed ng marami kung wala namang laban.

Hindi po biro ang pagmamantina ng isang farm o manukan dahil napakalaki po ng gastusin kaya marami pong mga breeder, lalo na ‘yung mga maliliit, ang umaaray sa paghinto ng sabong dulot ng pandemyang ito.

Kaya naman inaasahan po natin sa muling pagbubukas ng sabong ay muling mapanunumbalik ang sigla ng industriya ng sabong at marami po sa ating mga kababayan ang magkakaroon ng hanapbuhay.

Paalala lang po, mga kasabong, always observe social distancing at palagi po nating sundin ‘yung minimum health standard protocols na ipinatutupad ng ating pamahalaaan. Mag-ingat po tayo lagi, mga kasabong.

Comments are closed.