“Sabong On Air”

UMARANGKADA na ang kauna-unahang radio talk show tungkol sa sabong kung saan itinatampok dito ang iba’t ibang gamefowl breeder sa bansa, mapa-bigtime man o backyard breeder.

Hosted by Ka Rex Cayanong, ang “Sabong on Air” ay mapapakinggan sa DZME 1530 KHz tuwing Lunes hanggang Biyernes mula alas-3 hanggang alas-4 ng hapon.

Lingid sa kaalaman ng lahat ay mahilig din pala sa manok-panabong itong si Ka Rex at mayroon siyang maliit na manukan sa Antipolo.

Ayon sa hard-hitting radio comentator at host ng long-running radio program na “Target on Air”, hindi naman siya malakas mamusta sa sabong at pamini-minimum lamang.

Sa programang “Sabong on Air” ay nag-i-invite si Ka Rex ng iba’t ibang breeder para maging guest at magbahagi  ng kanilang kuwento bilang magmamanok o gamefowl breeder.

Very casual lang ang nasabing programa kung saan tinatanong niya ang mga guest-breeder kung kailan sila nagsimulang magpalahi ng manok-panabong at kung papaano sila nahilig sa ganitong sport o libangan.

Sa mga hindi po nakakaalam, hindi lang po basta libangan at mas lalong hindi lang sugal ang pagmamanok, kundi maaari rin po natin itong pagkakitaan at gawing hanapbuhay. Nasa tao po iyon kung talagang magpapakalulong siya sa sugal. Puwede namang mag-breed at gawing negosyo. Nasa inyo na po iyon kung ano ang gusto ninyo.

Anyway, bukod sa pagbabahagi ng kanilang kuwento o journey sa gamefowl breeding, kadalasan ding tinatanong ni Ka Rex ang mga guest-breeder kung ano-anong mga linyada ang kanilang mini-maintain at ipinagmamalaki sa kanilang farm. Bawat breeder kasi ay may kanya-kanyang tinatawag na signature bloodlines.

At siyempre ay tinatanong niya rin ang bawat breeder kung ano ang maipapayo nila sa kapwa natin magmamanok, lalo na ‘yung mga nagsisimula pa lamang.

Kilalang mediaman ngunit simpleng magmamanok lamang si Ka Rex pero unti-unti na rin siyang nakilala sa larangan ng sabong. Isa na rin siya sa mga incorporator ng Pitmaster kaya nakakasali na rin sya sa mga palaban ng Pitmaster kahit small-time breeder lamang siya.

By the way, bukod sa “Sabong On Air” sa DZME ay mababasa ninyo rin ang kanyang “Sabong On Air” column sa pahayagang Saksi Ngayon araw ng Lunes, Miyerkoles at Biyernes.