LUBOS na naapektuhan ng kasalukuyang pandaigdigang krisis pangkalusugan ang industriya ng sabong, hindi lamang dahil pansamantalang natigil ang isa sa mga paboritong isports nating mga Filipino kundi marami sa ating mga kababayan ang umaasa sa sabong dahil iyan ang ikinabubuhay nila.
Lingid sa kaalaman ng lahat, ang sabong ay hindi basta sugal at libangan lamang, nakatutulong din ito sa ekonomiya ng bansa kung saan maraming kababayan natin ang nabibigyan ng trabaho rito.
Kung susumahin, dahil kahit saang lupalop ng bansa ay may mga manukan at sabungan, libo-libo sa ating mga kababayan ang nagkakaroon ng hanapbuhay magmula sa mga farm hand (farm manager, breeder, taga-pakain, taga-kondisyon at taga-handa) hanggang sabungan tulad ng mga mananari o gaffer, sentenciador, taga-gamot, kristo at mga vendor.
Kaya marami sa ating mga kasabong ang nakikiusap sa pamahalaan na muling pahintulan ang sabong sa bansa at handa umano silang ipatupad ang safety at health protocols sa mga sabungan upang matiyak na hindi kakalat ang nakahahawang coronavirus
Sa kabila ng panawagang ito, hirap umanong kumbinsihin ang gobyerno na payagan tayo na ibalik ang sabong.
“Totoo nga na nahihirapan tayo na kumbinsihin ang ating mga iginagalang na miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF),” ani Games and Amusement Board chairman Baham Mitra sa isang panayam sa sabong TV show na Sabong Nation.
“Medyo hindi po kasi nila naga- grasp kung gaano tayo karami, gaano kalaki ‘yung mga nagtatrabaho at gaano karami ang nakadepende sa sabong. Sa ngayon po, aminado po kami na medyo nahihirapan at baka hindi po agad makakapag-resume ang sabong,” dagdag niya.
Pakiusap niya sa bayang sabungero: “Sana mag-get together po tayo, magtulong-tulong tayo para po mai-push natin ‘yung resumption ng sabong sa ‘new normal’.”
Nakikiusap din siya sa mga kasabong natin na kung maaari ay ‘wag muna tayong magsasabong, lalong-lalo na ang tupada, hangga’t hindi pa tayo pinapayagan ng gobyerno na makapagsabong.
“Medyo nahihirapan po nang kunti, medyo matatagalan pa eh sumunod lamang po tayo sa gobyerno at umiwas sa pagtutupada,” pagtatapos niya.
Comments are closed.