SABONG TOTOO BANG ITITIGIL NA SA ATING BANSA?

PUSONG SABUNGERO

NAPAKARA­MING istorya ang naglilipana na ang sabong daw ay ‘di magtatagal at matutulad na rin sa bansang Amerika, Europa at Gitnang Silangan o Middle East na mahigpit nang ipinagbabawal. Totoo pong sa mga bansang ito, ang sabong ay ­ilegal at itinuturing na isang krimen dahil sa kanilang paniniwala na ang paglalaban ng manok o sabong ay isang uri ng kalupitan sa hayop.

Nakalulungkot mang sabihin subalit ngayon po, pati mga lugar na itinuturing na US Trust Territory tulad ng Puerto Rico, Marianas Islands, Guam at iba pa na sakop ng Amerika ay malamang na tuluyan nang matitigil ang sabong.

Isang panukala ang inihain sa Kongreso ng Amerika kung saan pati mga bansang tinaguriang pag-aari ng Amerika ay gagawin na ring bawal ang sabong. Kung inyong matatandaan, noong kasikatan ng sabong sa bansang Amerika, mga taong 1800 hanggang sa pagpasok ng taong milenyo, naging kalungkot-lungkot ang kalagayan ng isport na ito sa Amerika dahil unti-unti, ang bawat estado ay ipinagbabawal na ang sabong. Noong Agosto 8, 2008, nilagdaan ni Pangulong Bush ang batas na ipinagbabawal na ang sabong sa buong Estados Unidos. Ang huling estado na nakipaglaban dito ay ang Lou-isiana subalit nanaig pa rin ang mga taong bumoto na itigil na ang ganitong kalupitan sa hayop. Ang estado ng Louisiana na lamang ang LAST STATE STANDING subalit lubhang matibay at malakas ang ANIMAL RIGHTS MOVEMENT sa Amerika.

Ngayon, ang multi-billion dollar industry na ito ay halos mamatay na at iilan na lamang ang nag-aalaga ng sasa­bunging manok. Maraming mga nagpapalahi ang tuluyan nang tumigil dahil sa takot na sila ay makulong at magmulta ng malaking halaga kapag nahuling nagsasabong, may mga kagamitang ginagamit sa sabong, mga manok na ginugupitan o pinupungusan o ang pagbiyahe ng manok from one state to the other o crossing state lines. Sa ganitong pamamaraan ay maiiwasan ang pagdayo sa mga tagong sabungan sa Amerika na kahit na bawal ay tuluyan pa ring may nagsasabong.

Ang pagkahuma­ling sa manok ay tila ‘di na maaalis sa ating puso. Dayuhan man o Filipino. Sa ika-20 ani­bersaryo ng Batangas Breeders Club ay nakausap ko ang isang kaibigang nagpapalahi ng manok sa Saipan, isang bansang tinaguriang US TRUST TERRITORY sa ilalim ng Marianas Group of Islands, mga islang makikita sa South Pacific at ang tanging libangan ay sabong din katulad nating mga Filipino. Sakaling may pa­nulakang ga­wing krimen ang sabong sa bansang ito ay parang inagawan mo ng karapatang mabuhay nang masaya at ma­ging malaya sa kanilang hilig o kultura ang mga Filipino. Ang sabong ay narito na libong taon na ang nakalilipas. Ito ay nagdudulot ng kasiyahan sa lahat ng uri ng tao mula sa hari ng isang bansa hanggang sa isang nilalang na taga-baryo lamang.

Ngayon, ang sabong ay itinuturing na napakalaking industiya na at bilyong piso ang ginagastos upang mai­taguyod ang kani-kanilang mga palahian. Milyon- milyong Filipino ang nakikinabang dito at ito po ay nagbibigay ng marangal na kabuhayan sa nakararaming mamamayan. Magmula na lamang sa mga nagtatrabaho sa sabungan, mga taga-pusta, manggagamot, mananari at iba pa na nagsisilbi sa mahigit isang libong sabungan sa ating bansa, dito pa lamang ay mama­mangha ka sa dami ng nabibiyayaan ng isport na ito. Kung ikaw ay pupunta sa Negros Occidental sa Bacolod, halos bawat pamilya ng magsasaka ay sabong na ang ikinabubuhay. Noong panahon na bumagsak ang halaga ng asukal sa WORLD MARKET, pagpapalahi ng manok pansabong ang bumuhay sa mga magsasaka ng tubo. Hanggang sa ngayon ay itinuturing na MECCA ng gamefowl breeding ang lalawigang ito sa buong mundo. Dahil sa popularidad ng sabong, ngayon bawat bayan ay may kanya-kanya nang sabungan at bukod diyan, marami na ring mga nagpalahi dahil sa ganda ng kita rito.

Kung ito ay gaga­wing ilegal sa ating bansa tulad ng mga nangyayari sa iba, hindi po ito imposible dahil noong una, ang sabi ng mga Amerikano ay hinding-hindi mangyayari na gaga­wing ilegal ang isport na ito sa Amerika, subalit masakit mang sabihin, nangyari na ang masakit na katotohanan at maraming bansa ngayon ang malamang ay pasukin ng ­ANIMAL RIGHTS upang ipatigil nang tuluyan ang isport na ito.

Sa susunod na ­Linggo, iba’t ibang pananaw, paninindigan at kuro-kuro kung bakit dapat o hindi dapat itigil ang sabong ang ating tatalakayin.

Kung mayroon po kayong katanungan, ako po ay matatawagan sa aking cellphone no. 0917 848 1276.

Maraming salamat po…

Comments are closed.