SINISILIP ng Department of Agri culture (DA) ang posibleng pagsasabwatan ng mga hog trader upang pigilan ang pagpapalabas ng pork products sa merkado, na naging sanhi ng taas-presyo.
Tinukoy ang datos mula sa National Meat Inspection Service (NMIS), sinabi ng DA na may sapat na imbentaryo kapwa ng local at imported pork sa cold storage facilities na akreditado ng NMIS.
Ayon sa ahensiya, hanggang nitong ikatlong linggo ng Oktubre, ang imbentaryo ng frozen pork, kapwa local at imported, sa NMIS-accredited cold storages sa buong bansa ay mas mataas ng 55 porsiyento kumpara sa kahalintulad na panahon noong 2019, sa 38,216 metric tons (MT).
Samantala, ang imbentaryo ng frozen local at imported dressed chicken at chicken parts ay mas mataas ng 260 porsiyento sa 83,266 MT kumpara sa 22,953MT noong nakaraang taon.
“This slow drawdown or small demand for frozen meat indicates that most Filipinos prefer ‘fresh’ or newly-slaughtered meat, or traders are holding off the supply to artificially jack up prices,” sabi ni Agriculture Secretary William Dar.
Binigyang-diin ni Dar na hindi mangingimi ang ahensiya na magsampa ng cartel charges kapag napatunayan na may kinalaman ang mga hog grower at trader sa anti-competitive practice at naghihigpit sa suplay ng pork products, na nagresulta sa mas mataas na presyo sa resulting retail markets.
“We’re looking into reasons why there’s very slow withdrawal of frozen pork products despite the availability of supply, and demand has started to pick up as the government opens up the economy,” ani Dar.
Hanggang noong Oktubre 21, ang presyo ng kasim o pork ham ay pumalo sa P320 kada kilo habang ang liempo o pork belly ay nasa P360 kada kilo sa karamihan sa public markets sa Metro Manila. Mas mataas ito ng P20 hanggang P40 o higit pa kumpara sa P300 at P320, ayon sa pagkakasunod, dalawang linggo na ang nakalilipas.
Comments are closed.