SAFE BA ANG TRABAHO MO SA AI?

MARAMING  manggagawang Pinoy mula sa iba’t-ibang sektor ng paggawa ang nakakaramdam na ngayon ng mga epekto ng makabagong teknolohiya, partikular na ang Artificial Intelligence (AI), sa kanilang hanapbuhay. Bagaman may mga benepisyo ito, nakakalungkot na marami sa ating mga manggagawa ang nawawalan din ng kita dahil dito. Hindi na maiiwasan ang mabilis na pagbabago sa mga industriya dahil sa teknolohiya.

Subalit may mga larangan o sektor pa rin naman na nananatiling ligtas, o mas kaunti ang posibilidad na maapektuhan ng makina, robot, o algoritmo. Sa mga larangang ito, ang kakayahan ng tao, ang kanilang husay sa sining, at kaalamang maituturing na “espesyal” ay hindi maaaring mapalitan ng anumang makina.

Mainam na pag-aralan nating lahat ang aspetong ito ng paggawa. Maglaan tayo ng oras para dito at magsumikap na magsanay upang maging updated tayo sa mga pinakabagong developments.

Sa larangan ng sining at creative industries, kung saan nagaganap ang malalaking pagbabago dahil sa AI, ang imahinasyon at damdamin ng tao ay nananatiling mahalaga. Ang mga proyektong likha ng tao ay may mga katangian na hindi pa kayang gayahin ng kasalukuyang mga sistema ng AI.

Ang pagtuturo at pagsasanay (training) ay patuloy na nangangailangan ng natatanging kombinasyon ng “empathy, adaptability,” at ng kakayahang umunawa sa mga partikular na pangangailangan ng mag-aaral. Ang mga guro ay mayroong pangunahing papel sa pagpapalaganap ng kritikal na pag-iisip. Ito ay isang bagay na hindi kayang gayahin ng mga makina.

Gayundin, ang mga propesyon na kaugnay ng “counseling and therapy” ay nangangailangan ng kakayahan ng tao sa pakikinig at paggabay. Ang komplikadong emosyon at ang kakayahan na magbigay ng natatanging suporta ay mga katangiang hindi rin madaling makopya sa pamamagitan ng awtomasyon.
(Itutuloy…)