NAGDEKLARA kamakailan ang Malakanyang na boluntaryo na lamang at hindi na requirement ang pagsusuot ng face mask sa labas.
Marami ang natuwa sa balitang ito ngunit marami pa rin namang Pinoy ang nagsasabing itutuloy nila ang pagsusuot ng face mask sa labas para sa sarili nilang proteksiyon at para maproteksiyunan din ang iba.
Ayon sa Department of Health (DOH), mahalaga ang pagsusuri sa sitwasyon dahil kung may mataas na panganib, mas mainam pa ring magsuot ng face mask kahit tayo ay nasa labas.
Halimbawa, kung tayo ay nasa mataong lugar o tayo ay may edad na 60 pataas, may comorbidity, o hindi bakunado, at walang booster, mas mainam pa ring magsuot ng face mask sa labas.
Para sa ilan, ligtas na magtanggal ng mask kung ang isang lugar (outdoor) ay may maayos na daloy ng hangin o hindi masikip at hindi matao. Mas ligtas din umanong magtanggal ng face mask sa labas ang mga nakapagpa-booster na, ang mga kabataan, walang sakit, at may malusog na pangangatawan.
Ayon sa Executive Order No. 3 na pinirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos, kailangan pa ring magsuot ng face mask sa pampubliko at pribadong establisimiyento na nasa loob (indoor), pampublikong transportasyon (lupa, himpapawid, dagat), at sa mga lugar sa labas na hindi maisasagawa ang physical distancing.
Hindi pa rin naman nawawala ang banta ng COVID-19. Kasalukuyan pa rin itong kumakalat sa bansa at marami pa rin ang hindi bakunado o walang booster shots. Kaya sa kabila ng bagong ordinansang ito, nasa atin pa rin ang tamang pag-iingat upang hindi tayo mapahamak, sampu ng mga taong ating nakakasalamuha.