TINIYAK ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) ang pag-asiste sa mga motorista na daraan sa mga expressway sa paggunita sa Undas dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga ito.
Ito ay matapos na muling i-activate ng MPTC ang Safe Trip Mo, Sagot Ko (SMSK) Motorists Assistance Program para sa mga motorista na daraan sa North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).
NLEX Connector, Cavite–Laguna Expressway (CALAX), at Central Luzon Link Expressway (CCLEX).
Nagdagdag na rin ng mga tauhan sa expressway, bukod sa 24/7 na monitoring sa kondisyon ng trapiko.
Bukod pa rito ang ilalatag na mga Emergency and Medical Incident Response Teams sa mga estratehikong lugar sa loob ng expressway.
Ayon sa pamunuan ng MPTC, hindi dapat mabahala ang mga motorista dahil may alok na libreng towing service para sa class 1 vehicles hanggang sa pinakamalapit na exit.
Magiging available ito mula alas-6 ng umaga ng Oktubre 31 hanggang alas-6 ng umaga ng Nobyembre 4
Samantala, suspendido na simula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 4 ang lahat ng repair sa daan at pagsasara ng lane sa expressway. EVELYN GARCIA