TAGUIG CITY PINAIGTING ANG PAGTATANGGAL NG MGA HARANG SA KALYE

TAGUIG CITY-1

NAGLUNSAD ang lokal na pamahalaan ng Taguig ng mas pinaigting na clearing operations upang maalis ang mga nakaharang sa kalye gaya ng ilegal na mga istruktura, ilegal na pagtitinda at ilegal na nakaparadang mga sasak­yan.

Pinangunahan ng grupo na binubuo ng Traffic Management Office, Public Order and Safety Office, Market Management Office, Business Permits and Licensing Office, General Services Office, Solid Waste Management Office, City Engineering Office, Public Transport Office at Barangay Affairs Offices kasama ang Philippine National Police at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nasabing aktibidad.

Isinagawa ang mga operasyon alinsunod sa pinirmahang executive order ni Mayor Lino Cayetano matapos siyang manumpa ng panunungkulan. Iniutos ng punong lungsod sa mga departamento ng lungsod na “paigtingin ang kanilang pagsisikap na masiguro ang pedestrian at vehicular mobility, at access sa mga serbisyo publiko gamit ang mga pampublikong daanan at kaparehong imprastruktura” upang masiguro ang seguridad ng publiko.

Binigyang-diin sa EO na ang mobility ay mahalaga sa urbanisasyon at pag-unlad. “Aside from the space occupied by roads, transport system, buildings and infrastructures, the associated pedestrian and vehicular movement invariably shapes the urban forms of the city,” dagdag pa rito.

Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address noong Lunes, July 22, inu­tusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng lokal na pamahalaan na “reclaim all public lands.”

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government ang mga LGU na kumpletuhin ang nasabing kautusan sa loob ng 60 araw. At ang Lungsod ng Ta­guig, na matagal nang nililinis ang bawat lansangan noong pang mga nakalipas taon, ay patuloy na isinasagawa ito.

“As it is, Taguig is already a pedestrian-centered city, but we want to make it even more so. We want to make Taguig an even more walkable city,” saad ni Ca­yetano.Aniya pa ng alkalde, ang “walkable city,” ay matuturing na rin na, “safe and healthy city.”

Mula nang maluklok sa puwesto, iginiit ni Mayor Lino na malahalagang parte sa kanyang 10-point agenda ang gawing mas ligtas at malusog ang lungsod ng Taguig.

Sa mga nakalipas na taon, patuloy na isinasagawa ng lungsod ng Taguig ang clearing operations nito kada 5 hanggang 7 beses sa isang linggo upang matanggal ang mga nakaharang sa mga lansangan at mga daanan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.