NAGPAHAYAG ng suporta ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagtatakda ng safeguard duty sa mga imported na sasakyan upang maprotektahan ang mga manggagawa sa industriya ng automotive.
“Isa itong natatanging hakbangin upang maprotektahan ang ating mga manggagawa at linangin ang kondisyon sa merkado sa naturang industriya na naapektuhan hindi lamang ng pandemya kung hindi pati na rin dahil sa pagdami ng mga imported na sasa-kyan,” wika ni Labor Secretary Silvestre Bello III.
Binanggit ni Bello ang datos mula sa Labor Force Survey na nagpapakita ng mga bilang sa trabaho sa sektor ng automotive na bumaba mula sa pinakamataas na antas nitong 109,000 noong 2016 hanggang 93,000 noong 2019. Ito ay sa kabila ng paglago sa merkado ng automotive bunsod ng mataas na demand sa bansa.
Bilang isang labor-intensive industry, sinabi pa niya na ang potensiyal na oportunidad sa trabaho sa industriya ay lubhang mahalaga.
Dagdag pa ni Bello, isa ito sa mga naging konsiderasyon upang itulak ang Comprehensive Automotive Resurgence Strategy (CARS), at kabilang sa mga bagay na nagpakilala rito bilang isa sa Key Employment Generators sa ilalim ng manufacturing industry sa DOLE JobsFit 2022.
Gayunman, ang potensiyal na ito ay naantala dahil sa dami ng importasyon nitong mga nagdaang taon, ayon pa sa kalihim.
“Ang mabilis na pag-import ng mga sasakyan sa halip na mabuo ito sa sariling bansa ang naglagay rito sa alanganin upang makapagbigay ng malaking kontribusyon sa labor market,” ayon kay Bello.
Aniya, ang pagtatakda ng safeguard duty ay maaaring humikayat sa iba pang mga kompanya na pag-tuunan ng pansin ang pagdaragdag ng pondo at paglinang ng domestic market, kabilang ang human resources. PAUL ROLDAN
Comments are closed.