CAMP CRAME – BILANG paghahanda sa summer vacation na nagsimula na ngayong buwan, binalangkas ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang safety plan para sa publiko.
Sa regular Monday press conference kahapon, inanunsiyo ni PNP Chief, General Oscar Albayalde na inactivate na ni Police Community Relations Group (PCRG) chief, Police Major General Benigno Durana Jr. ang summer security plan sa pamamagitan ng pagpapagana muli ng Task Force Summer Vacation (SUMVAC).
Layunin nito na matiyak ang seguridad ng mga magbabakasyon sa mga lalawigan gayundin ang kanilang paglalakbay.
Sakop din ng security plan ang kabi-kabilang graduation ceremonies, selebrasyon ng mga piyesta, Flores de Mayo sa susunod na buwan at ang school opening sa Hunyo.
Kasama rin sa pagsesekyur sa publiko ang pangangampanya ng mga kandidato habang ispesyal na security operation sa mismong halalan sa Mayo 13.
Kabilang din sa babantayan ang mga vital installation, mga paliparan, pantalan, bus at jeepney terminals, mga estratehikong lugar gaya ng mall at iba pang pasyalan, simbahan, pamilihan at maging ang mga paaralan.
Samantala, tiniyak ng PNP na laging bukas ang kanilang komunikasyon sa pamamagitan ng special hotline na PNP Text Hotline 09178475757 sa ilalim ng programang I- Text Mo Si Oca. EUNICE C.
Comments are closed.