SAFETY SUMMER STAYCATION TIPS

STAYCATION TIPS

(Ni CHE SARIGUMBA)

NGAYONG mainit ang panahon, tumatakbo na sa ating isipan ang magtungo sa beach o kaya naman ang mag-stay sa hotel o resort nang makapagpahinga at malamigan ang pakiramdam.

Sa mga ganitong panahon din kadalasang nagba-bonding ang magkakaibigan at magkakapamilya.

Ngunit sabihin man nating gustong-gusto na­ting magbakasyon, ma­rami naman sa atin ang hindi ito magawa sapagkat may mga obligasyon o trabahong kailangang unahin. Kumbaga, hindi sila makaalis o makapunta sa probinsiya nang makapag-relax.

Hindi rin naman kailangang lumayo pa tayo sa Metro para lang makapag-staycation. Dahil may mga lugar din naman na malapit lang sa ­ating pinagtatrabahuan ang puwede nating pasyalan.

Gayunpaman, malayo man o malapit ang pupuntahang lugar, isa pa rin sa dapat nating isaalang-alang ang ating kaligtasan gayundin ang mga kasama natin sa gagawing staycation. Kaya naman, sa nagpaplano ng staycation ngayong summer, narito ang ilang safety tips na dapat ninyong tandaan:

GUMAWA NG PLANO AT PAG-USAPAN

May ilan na upang makapagpahingang mabuti ay mag-isa lang kung mag-staycation. Ang iba naman, mas pinipili ang marami para nga naman makapag-enjoy.

Kunsabagay, may kanya-kanya tayong gusto o ideya ng pagre-relax. Ngunit, ano’t ano pa man ang ideya mo ng pagre-relax—mag-isa ka man o mayroong kasama—importante pa ring napag­planuhang mabuti ang gagawin.

Kung may mga ka­sama ka, makabubuting pagplanuhan at pag-usapan ninyo ang gagawin ninyong staycation. Gayundin ang mga gagawin ninyo sa lugar. Magpapahinga lang ba kayo? Magsu-swimming? Magkukuwentuhan?

Kung mag-isa ka lang naman, siguraduhin ding safe ang lugar na pupuntahan.

MAG-RESEARCH SA LUGAR NA PUPUNTAHAN

Mag-isa ka man o mayroong kasama, importanteng alam mo ang pasikot-sikot ng lugar na iyong tutuluyan o pupuntahan.

Oo, sabihin na nating hindi mo pa napupuntahan ang lugar. Pero puwede namang mag-research ka at alamin kung safe ba itong tuluyan.  Maaari ka ring magtanong-tanong sa kakilala at mga kaibigan mo ng magandang lugar na puwedeng tuluyan.

Importanteng masi­guro nating ligtas tayo sa pupuntahan. Kumbaga, hindi lamang ganda ng lugar ang dapat nating isaalang-alang kundi ang kaligtasan natin at ng mga taong kasama natin.

HUWAG BASTA-BASTA KOKONEKTA SA FREE WIFI

Sa panahon ngayon, una nating inaalam ay kung may free WiFi ang pupuntahan nating lugar.  Tila nga naman kasama na sa package ang free WiFi. Mas mabenta o mas pi­nipili ng marami kung may free na WiFi.

Gayunpaman, sabihin mang gusto talaga na­ting laging nakakonekta sa cyberworld, maging maingat pa rin tayo lalo na kung ang tatangkilikin natin ay mga free WiFi.

Kung kokonekta man, siguraduhing safe ito at hindi sa kung kani-kanino lang. Marami pa naman sa atin na maka­kita lang ng free WiFi kahit na hindi naman ito galing sa mapagkakatiwalaang tao o establisimiyento, kumokonekta kaagad.

Maging maingat tayo. Lahat ay puwedeng mang­yari sa panahon ngayon dahil sa teknolohiya. Kaya’t para masigurong safe ka, gayundin ang identity mo, maging ma­ingat. Tandaang ang mga public WiFi ay  may dalang problema o panganib.

I-CHECK ANG KABUUAN NG LUGAR

Sa pagdating sa pupuntahang lugar, huwag kaagad makakampante. Unang kailangang gawin ay ang i-check ang kabuuan ng lugar. Alamin ang fire exit at mga lugar na safe puntahan sakaling magkaroon ng problema o gulo.

ILAGAY SA SAFE NA LUGAR ANG MGA GAMIT

Nasanay ang marami sa atin na kung saan-saan lang inilalagay ang mga gamit. Pero nasa bahay man tayo o ibang lugar, importante ang pagiging alerto at maingat. Kaya naman, huwag basta-basta ilalagay sa kung saan-saan ang mga mahahalagang bagay o gamit nang hindi mawala.

Sabihin na nating naka-lock naman ang pinto. Gayunpaman, hindi pa rin natin tiyak kung wala ngang makapapasok sa loob ng kuwarto o silid.

Kaya para, maiwasan ang problema o ang mawalan, maging maingat at ilagay sa safe na lugar ang mahahalagang bagay gaya ng cellphone, wallet at kung ano-ano pa.

MAGDALA NG TUBIG

Importante rin ang pagdadala ng tubig saan man tayo magtungo lalo na ngayong napakainit ng panahon. Mahalagang napananatili nating hydrated ang katawan nang maiwasan ang sakit o problema.

Hindi naman natin ka­ilangang lumayo o mag­tungo pa sa malalayong lugar para lang makapag-relax. Dahil sa mga hotel o kahit sa bahay lang, puwede tayong mag-staycation. (photo credits: loyalzoo.com, lifebylee.com, whatsuplife.in)