SAFETY TIPS IPINAALALA NG EKSPERTO BAGO MAGPA-LIPOSUCTION

LIPOSUCTION-2

NANAWAGAN ang isang eksperto sa cosmetic surgery na pumunta lamang sa lehi­timo at lisensiyadong nag-o-offer ng liposuction upang maiwasan ang kapahamakan.

Sa ginanap na lingguhang Report to the Nation ng National Press Club, sinabi ni Dr. John Cenica, isang TV host at Medical Director ng Jancen Cosmetics Surgery and Stem Cell Asia kung ano ang mga precautio­nary measures na dapat tandaan upang matiyak ang kanilang kaligtasan kung nais nilang magpa-opera.

Ayon kay Dr. Cenica, dapat huminto sa paninigarilyo, pag-inom ng alak, umiwas sa Vitamin E, mga inuming herbal at pag-iwas sa aspirin dalawang buwan bago isagawa ang liposuction at dapat umanong i-disclose ng pasyente ang anumang gamot na kanilang iniinom para matiyak na morally at physically fit ang pasyente bago magpa-liposuction.

Binigyang-diin ni Dr. Cenica na ligtas naman ang magpa-liposuction at maraming safe procedures na isinasagawa ang mga lehitimong doctor na may expertise sa ganitong larangan.

Dapat alam ng doktor na mag-oopera kung may allergy ang pas­yente at dapat morally at physically fit ito.

Pinaalalahanan din ni Dr. Cenica na bukod sa pagpunta sa mga lehitimo at lisensiyadong klinika at doktor,  iwasan umano ang mga nagsasagawa ng home service at ang mga nurse umano ay ‘di pinahihintulutang mag-inject sa pasyente maliban na lang kung ito ay direct na inorder ng doctor.

“Patients must be cooperative and must not just sign a waiver to ensure his/ her safety,” pahayag ni Dr. Cenica.

Batay sa pag-aaral, sa 10,000 pasyenteng nagpa-liposuction, isa lamang umano ang mortality nito.

Magugunitang nitong Hulyo 10 isang babaeng negosyante na si Nory Bobadilla ang namatay dahil nahirapang huminga matapos magpa-liposuction sa isang beauty clinic sa Makati.      BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.