SAFETY TIPS PARA SA MGA BIBIYAHE NGAYONG UNDAS

UNDAS

BAGO pa lamang sumapit ang Undas ay bumibiyahe na ang marami sa atin o umuuwi sa kani-kanilang pro­binsiya upang doon gunitain ang nasabing okasyon. Ito nga naman ang panahon kung saan nagkikita-kita at nagkakasama-sama ang mga magkakamag-anak.

Kapag ganitong mga panahon ay hindi nawawala ang traffic. Nataon pang may bagyo kaya’t hindi maiiwasan ang pagbuhos ng malakas na ulan.

Kasabay rin nito ay ang pagsabay sa dami ng tao ang pagkalat ng mga kawatan o masasamang-loob. Dahil dito, narito ang ilang mahahalagang paalala para sa mga bibiyahe ngayong Undas.

PARA SA MGA MAGDADALA NG SASAKYAN:

UNDAS-4Excited ang marami sa pagbiyahe lalo na kung ang destinasyon ay probinsiya. Hindi nga naman maitatanggi ang sarap ng hangin gayundin ang ganda ng tana­wing sasalubong sa iyong paningin sa pupuntahang lugar.

Ngunit kaakibat nang pagtungo sa malalayong lugar o probinsiya ay ang ibayong pag-iingat. At bago rin umalis, tiyaking nasa kondisyon o walang problema ang gagamiting sasakyan nang maiwasan ang aberya sa daan.

Bago rin umalis ay siguraduhing kompleto ang dalang mga dokumento sa pagmamaneho at mga papeles ng iyong sasakyan kasama ang Certificate of Insurance.

KAPAG NASA LOOB NG SASAKYAN:

Habang nasa loob naman ng sasakyan, sigu­raduhin naman na naka-lock ang mga pinto at bintana ng sasakyan lalo na kung may mga kasamang bata.

Huwag ding kalilimutang magsuot ng seat belt dahil napakahalaga nito.

Habang nagmamaneho naman, tiyakin ding kontrolado mo ang sasakyan. Iwasang magmaneho ng one-hand driving. Huwag din ugaliin na gumamit ng cellphone habang nagmamaneho.

At kung maaari, huwag ng magmaneho kung pagod, puyat o nakainom nang makaiwas sa panganib.

Gamitin din ng wasto ang headlights at signal lights kung magmamaneho sa gabi.

KAPAG MAGLALAKAD

UNDAS-5Marami rin sa atin ang mas pinipili ang paglalakad lalo na kung malapit lamang ang pupuntahan. Nakatutuwa rin naman ang paglalakad lalo na kung maraming kasama.

Gayunpaman, kung mas pipiliin ang maglakad, umiwas sa lugar na madidilim o hindi gaanong dinadaanan ng tao.

Huwag ding maglalakad ng mag-isa.

Kapag may sumusunod-sunod din, magtungo kaagad sa lugar na maraming tao o kaya ay ipaalam sa mga kasamahan o sa kinauukulan.

Huwag ding sasama, lalapit o magtitiwala sa kung sino-sino.

PARA SA MGA GAGAMIT NG PAMPUBLIKONG SASAKYAN:

Huwag magsuot ng mga mamahaling alahas o magdala ng malaking halaga ng salapi kung bibiyahe dahil matatawag mo lang ang atensiyon ng mga masasamang loob. Mas maganda rin kung ang susuotin ay hindi tawag pansin o simple lamang.

Dahil din naghahanap ng mabibiktima ang masasamang loob, siguraduhin ding nakalagay sa safe na lugar ang cellphone at pera.

Ugaliin din ang pagiging alerto sa  kahit na anong oras at panahon.

KAPAG MAYROONG KASAMANG BATA

Alam naman natin kung gaano kakulit ang mga bata. Pero hindi naman siyempre natin puwedeng iwanan. At para mapirmi ang mga bata at maiwasan ang kakulitan, isa sa paraan ay ang pagdadala ng board games o mga nakatutuwa at nakaaaliw na laruan.

Kung magko-commute, siguraduhing hindi makaabala sa mga kagayang pasahero ang dadalhing laruan.

PANGKALAHATANG TIPS:

UNDAS-6Para sa pangkalahatang tips, isa sa dapat na isaalang-alang sa pagbiyahe ay ang pag-alis ng maaga. Kung maaga nga namang aalis ay maaga ring makararating sa pupuntahan.

Ugaliin lamang din ang pagdadala ng mga gamit na kakailanganin. Iwasan ang pagdadala ng sobra-sobra nang hindi ito mawala.

Dahil hindi naman natin maitatangging wi­ling-wili tayo sa gadgets, importante rin ang pagdadala ng headphones o earphones nang hindi makaabala sa ibang pasahero na bumibiyahe.

Importante rin ang pagdadala ng plastic bags para may mapaglagyan ng basura at may ma­gamit sakaling masuka ang mga tsikiting. Huwag ding kaliligtaan ang tubig at crackers para sa lahat.

Kung malapit lamang din ang dadalawing libingan ngayong Undas, hangga’t maaari ay huwag nang magdala ng sasakyan upang makaiwas sa abala sa trapiko, gayundin sa pagpaparadahan. (photo courtesy: Google images) CT SARIGUMBA

Comments are closed.