(ni CT SARIGUMBA)
MAHILIG tayo sa barbeque o mga pagkaing inihaw. Kapag ganito nga naman ang nakahanda sa lamesa, napararami ang kain natin. Kaya nga’t kapag kompleto ang pamilya o may handaan, laging nangunguna sa ating listahan ang inihaw na liempo, bangus, barbeque at kung ano-ano pa.
At dahil sa kahiligan ng marami sa atin sa ganitong klase o uri ng pagkain, hindi lang sa labas o restaurant natin ito natitikman, kadalasan din ay nag-luluto o gumagawa na tayo nito sa bahay
Wala nga namang imposible lalo na kung gusto natin ang isang pagkain. At sa mga mahihilig mag-barbeque sa kani-kanilang tahanan, narito ang ilang safety tips na dapat tandaan:
SIGURADUHING STABLE ANG GRILL O IHAWAN
Marami ang puwede nating lutuin na kahihiligan ng buong pamilya, isa na nga riyan ang barbeque at ang pag-iihaw. Bukod nga naman sa pagba-barbeque, puwede rin tayong mag-ihaw ng isda o karne.
Dahil marami na rin sa atin ang mahilig mag-ihaw o mag-barbeque, para maging safe, siguraduhing stable ang grill o ihawan. Dapat ay hindi ito umuuga o madaling matumba nang maiwasan ang kahit na anong problema.
HUWAG MAG-IIHAW SA MALAPIT SA BAHAY
Kung mag-iihaw rin o magba-barbeque, siguraduhing may distansiya ito mula sa bahay ng kahit na 10 feet. Iwasan ang pag-iihaw ng malapit sa ba-hay, garage at shed. Gayundin sa mga lugar na madaling magliyab.
HUWAG IIWANAN ANG NILULUTO
Isa pa sa kailangan din nating tandaan kapag nag-iihaw tayo ay ang pagiging focus sa ating ginagawa. May ilan na habang nag-iihaw ay iniiwan na muna ito. Ang iba naman, nagiging abala sa ibang bagay gaya na lang ng paggamit ng cellphone o gadget.
Kumbaga, kagaya rin ito ng pagluluto gamit ang kalan na hindi puwedeng iwanan nang hindi makalikha ng kahit na anong problema.
GUMAMIT NG APRON AT OVEN MITTS
Sa pagluluto ay napakahalaga rin ng pagsusuot ng tamang damit. Kaya naman, para maiwasang mapaso, mainam ang paggamit ng oven mitts o gloves. Magsuot din ng makakapal na apron para maprotektahan ang sarili at hindi rin mamantsahan ang damit.
GUMAMIT NG LONG-HANDED UTENSILS
At dahil apoy o baga ang pinag-uusapan natin, mainam din ang paggamit ng long-handed utensils nang hindi mainitan at mapaso. Sa pamamagitan ng paggamit ng extra-long tools o mga long-handed utensil ay maiiwasan ang splatters at burns.
PANATILIHING MALINIS ANG IHAWAN
Excited tayong mag-ihaw o barbeque. Pero kapag natapos na, kinatatamaran naman natin ang maglinis ng grill o ihawan. Minsan, ibinababad na mu-na natin ito. Minsan din, hinahayaang marumi at saka na lang nililinis kapag gagamitin na ulit.
Importante ang kalinisan. Kaya naman, matapos na gamitin ang ihawan ay kailangang nalinis itong mabuti at naitago sa malinis at safe na lugar.
Siguraduhing natatanggal ang fat buildup o mga dumikit na taba sa grill. Bago rin tanggalin ang natirang uling sa ihawan, siguraduhing patay na ang apoy at malamig na ito.
Barbeque. Inihaw na baboy. Inihaw na isda. Inihaw na manok. Inihaw na pusit. Ilan lamang ang mga nabanggit sa napakasarap ihanda sa pamilya at pagsaluhan. Katakam-takam nga naman at paniguradong kapag ito ang inihanda natin sa ating buong pamilya, gaganahan silang kumain.
Oo nga’t masarap ang mga inihaw at barbeque.
Gayunpaman, huwag na huwag nating kalilimutan ang ating kaligtasan at ang kaligtasan ng ating pamilya sa tuwing magluluto tayo nito.
Maging maingat. (Images source: countryliving.com, blog.williams-sonoma.com, delish.com)
Comments are closed.