HINDI rin sa lahat ng panahon ay masasabi nating mayroon tayong kasama sa bahay. May ilan na magkakaiba ang schedule sa trabaho o eskuwelahan ng magkakapamilya kaya’t halos hindi na magpang-abot sa bahay. Ang iba naman, sadyang naninirahang mag-isa.
Kunsabagay, may iba na gustong may kasama sa bahay. Ang ilan nga sa atin kahit nasa hustong gulang na ay ayaw pang humiwalay sa magulang at mga kapatid. Pero ang iba naman, mas pinipili ang manirahang mag-isa.
Sa totoo lang, marami pa ring puwedeng mangyari sa atin kahit na nasa loob tayo ng sarili nating tahanan. At dahil sa wala namang pinipili ang sakuna o problema, narito ang ilan sa tips na puwedeng gawin para mapag-ingatan ang sarili at kabuhayan kung mag-isa ka lang sa iyong tahanan:
TIYAKING NAKAKANDADO ANG PINTO AT BINTANA
Isa rin ito sa advice o paalalang paulit-ulit na nating nababasa at naririnig. Pero alam n’yo bang kahit na paulit-ulit na ang paalalang ito ay nangyayari pa ring nakaliligtaan ng iba ang pagla-lock o pagkakandado ng kanilang pintuan at bintana.
Minsan dahil na rin sa kapaguran ay nakalilimutan na ng ilan sa atin. Basta’t pagkapasok ng bahay, sumasampa kaagad sa sofa o kama at nagpapahinga.
Pero gaano man kapagod, siguraduhing naka-lock ang lahat ng inyong pinto at bintana. Bago matulog, i-check ang lahat ng maaaring daanan ng mga masasamang loob at siguraduhing nakasarado itong mabuti at hindi basta-basta mabubuksan.
Huwag ding basta-basta magbubukas ng pinto o gate kapag mayroong kumatok o nag-doorbell. Ang gawin ay silipin muna kung sino ang nasa labas bago buksan ang pinto.
Marami sa atin ang basta-basta na lang nagtitiwala sa hindi naman niya kakilala. Pero dahil hindi naman natin natitiyak kung sino sa mga makasasalamuha natin o hihingi ng tulong sa atin ang mapagsamantala, mas mabuti na iyong magdoble ingat tayo. Huwag ding basta-basta magpapapasok ng hindi kakilala.
KILALANIN AT MAKIPAGKAIBIGAN SA MGA KAPITBAHAY
Isa rin sa dapat nating gawin ay ang kilalanin ang ating mga kapitbahay para may mahingian tayo ng tulong sakaling magkaproblema tayo o may mangyaring hindi maganda.
May ilan na hindi nakikipag-usap sa kapitbahay. Kumbaga ang buhay ay umiikot lang sa trabaho at bahay.
Sabihin mang wala kang panahong makipagkapuwa tao, importanteng-importante ito. Kailangang makipagkilala at makipagkaibigan sa mga kapitbahay. Iba rin kasi iyong may kaibigan kang kapitbahay dahil may mapagtatanungan ka kung may kailangan ka. Halimbawa na lang ay nasira ang tubo o koryente tapos wala kang kakilalang maggagawa niyon. Kung okey o magkasundo kayo ng kapitbahay mo, maaari kang magtanong sa kanya kung sino ang mapagkakatiwalaan na maaaring magkumpuni ng sira ng iyong tahanan.
Iba na ang may kaibigan, tandaan natin iyan.
ITAGO ANG MAHAHALAGANG DOKUMENTO
Kapag maulan o masama ang panahon, hindi maiiwasan ang sakuna at baha. Kaya para maging handa at hindi masira ang mga mahahalagang dokumento o papeles, ayusin na ang mga ito at itago sa waterproof box o bag na hindi agad napapasukan ng tubig. Pinakamahalagang unahin ito sa lahat dahil kapag naanod na ito ng tubig ay wala na rin tayong mapapakinabangan pa. Maging masinop at maingat.
PAG-ARALAN KUNG PAANO PAPATAYIN ANG MAIN SWITCH NG KORYENTE
Pag-aralan kung paano mapapatay ang koryente sakaling bumaha sa loob ng bahay. Napakadelikadong magmarunong o magmagaling lalo na’t nak-amamatay ang koryente at mas aktibo ito kapag basa.
Kaya alamin ang main switch ng koryente sa iyong bahay at aralin kung paano ito mapapatay sakaling bumaha o kinailangang patayin.
Kung mawawalan naman ng koryente, tanggalin sa saksakan ng appliances nang hindi ito masira. Inspeksiyunin din kung may nababasa na electrical connections o switches.
MAG-IMBAK NG PAGKAIN AT TUBIG
Importanteng maging handa tayo sa kahit na anong panahon. At dalawa sa kailangang masiguro nating mayroon tayo ay ang tubig at pagkain. Kaya naman, mag-imbak ng tubig at pagkain na tatagal ng 3 araw. Ugaliing magkaroon ng food storage tulad ng canned goods (de-latang pagkain) cup noo-dles at iba pang package goods para may makain sa tag-ulan.
MAGHANDA NG DE-BATERYANG RADYO AT MGA GAMIT SA PAGLIKAS
Ihanda ang mga kakailanganing gamit sakaling lumikas, mas mabuti ng handa ka. Dalhin ang lahat ng importante at mahahalagang bagay sa iyong pupuntahan, ilagay sa iisang lalagyan na may mga palatandaan upang hindi malito sa pagdampot.
Ihanda rin ang mga de-bateryang radio at flash light.
UGALIIN ANG PAKIKINIG NG BALITA
Maging updated sa lagay ng panahon kapag maulan. Wala na nga namang mas mahusay pa sa pakikinig at pag-antabay sa balita kung sakaling may bagyo. Sa pamamagitan nito ay mas lalo kang makapaghahanda at magiging alerto.
BACKUP PLAN AT FIRST AID KIT
Mag-isip ng backup plan para handa sakaling may mangyaring hindi maganda. Maging matalas din at mabilis. Iwasan ding mataranta.
Maghanda rin ng first aid kit. Kailangan ding may presence of mind. Huwag mag-panic o mataranta dahil hindi ito makatutulong sa sitwasyon. Makalalala lang ito.
MAG-ALAGA NG ASO O PUSA
Isa rin sa magandang gawin kung mag-isa ka lang sa iyong bahay ang pag-aalaga ng aso o kaya naman pusa.
Kung may alaga ka nga namang hayop, mag-iingay ang mga ito o gagawa ito ng ingay sakaling may ibang taong umaali-aligid o pumapasok sa iyong tinitirhan.
Maging maingat tayo at handa lalo na kapag may bagyo.
Comments are closed.