(ni CS SALUD)
MARAMI ang nagsasabing habang bata pa, mag-enjoy na tayo sa buhay. Na gawin na natin ang lahat ng gusto natin. Gawin ang makapagpapaligaya sa atin. Huwag na rin nating hintaying tumanda pa tayo bago tayo magliwaliw o maglibot sa iba’t ibang lugar.
Ngunit hindi lahat ng tao, nakapagliliwaliw o nagagawang magtungo sa iba’t ibang lugar noong bata-bata pa sila. Marami sa atin ang tutok sa pag-tatrabaho upang maibigay sa kanilang mahal sa buhay ang mga pangangailangan nito. Na mas pinipiling isubsob sa trabaho ang sarili kaysa sa ang mag-travel.
Hindi rin naman masamang isiping magtrabaho muna at ipagpaliban ang pagbabakasyon o paglilibot sa loob at labas ng bansa. Napakahalaga rin kasi na nagagawa natin ang mga kailangan natin gawin—gaya na nga lang ng pagtatrabaho para maibigay ang pang-araw-araw na pangangailangan ng ating pamilya. Dahil diyan, marami sa atin na kung kailan nagkaroon na ng edad ay saka lamang nabigyan ng pagkakataong magliwaliw.
Hindi pa naman huli ang lahat. Sabihin mang matanda o may edad ka na, swak na swak pa rin ang pagta-travel. Kaya naman sa mga senior o may edad na at nagnanais na mag-travel, narito ang ilang tips na dapat isaalang-alang nang maging ligtas sa pupuntahang lugar:
IWASAN ANG PAGTA-TRAVEL KAPAG GABI
Minsan ay mas pinipili ng marami sa atin ang mag-travel ng gabi. Ngunit kung may edad ka na, iwasan ito nang masiguro ang kaligtasan.
Madilim nga naman kaya’t mahihirapan kang makakita sa gabi. Mas mahirap ding maglakad kapag gabi. Higit sa lahat ay mas delikado.
DALHIN ANG LAHAT NG GAMOT NA KAKAILANGANIN
Kapag nga naman nagkakaroon na ng edad, hindi na maiiwasan ang maintenance medicine. Kung aalis ng bansa o magtutungo sa ibang lugar, sig-uraduhing madadalang lahat ang mga gamot na kakailanganin sa pagbiyahe.
Siguraduhin ding nakalagay ito sa carry on bag nang kailanganin man, makukuha kaagad.
Dapat din na naka-organize ang iyong medication.
Magdala rin ng ekstrang gamot o maintenance nang ma-delay man, hindi ka kakabahan.
HUWAG IHIHIWALAY SA KATAWAN ANG CELLPHONE
Talaga nga namang napakahalaga sa panahon ngayon ang cellphone o gadgets. Marami itong pinaggagamitan. At dahil diyan, sabihin mang may edad ka na, mahalaga pa ring dala-dala mo saan ka man magtungo at sa kahit na anong oras ang iyong cellphone nang mayroong magamit sa mga panahong hindi inaasahan.
Siguraduhin ding may baterya ito at load.
Useless nga naman ang cellphone kung walang baterya at load. Hindi mo rin mapakikinabangan.
MAGDALA NG NOISE MAKER O WHISTLE
Napakahalaga rin ng pagdadala ng noise maker o whistle. Makatutulong ito upang mahanap ka ng mga kasamahan kapag naliligaw ka.
Makatutulong din ito upang mahanap o matawag ang pansin ng marami sakaling may emergency at nasa isang lugar kang hindi kaagad makikita ga-ya na lang sa toilet cubicle o dressing room.
PANATILIHING MALUSOG AT MALAKAS ANG PANGANGATAWAN
Maraming sakit ang maaaring dumapo kapag nasa biyahe ang isang tao—bata man iyan o matanda. At upang maprotektahan ang katawan laban sa kaliwa’t kanang sakit na maaaring dumapo, mahalaga ang pagpapanatiling malusog at malakas ang pangangatawan.
Ibig sabihin, piliin ang mga healthy food at iwasan ang mga nakasasamang pagkain.
Uminom din ng maraming tubig nang maiwasan ang dehydration.
GUMALAW-GALAW
Habang nasa eroplano rin, gumalaw-galaw nang maiwasan ang pagsakit ng katawan. Bago rin sumakay ng eroplano o kaya naman kotse, huwag munang umupo habang naghihintay. Mas mabuti kung gagalaw-galaw, maglalakad-lakad o stretching.
Pagkarating naman sa destinasyon, magpahinga kaagad. Mainam ang paghiga sa kama habang nakataas ang paa sa wall.
Masarap ang mag-travel. Wala ring panahon at edad ang pagta-travel. Kahit na sino ay puwedeng-puwede gawin ito. Basta’t ang importante, kaya mong mag-travel at mag-e-enjoy ka. (photos mula sa iffcotokio.co.in, sixtyandme.com at travelandleisure.com)
Comments are closed.