NADOMINAHAN ng Japanese club Saga Hisamitsu Springs ang Alas Pilipinas Women, 25-19, 25-16, 25-16, sa una sa kanilang dalawang friendly matches sa Alas Pilipinas Invitationals kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Matikas na nakihamok ang Alas Pilipinas Women laban sa Japanese club subalit hindi umubra ang kanilang pagsisikap.
Nagawang makalapit ng Alas Women, na wala ang kanilang team captain at main setter na si Jia de Guzman, laban sa nine-time Japan SV.League champions subalit nabigong makasabay sa fast-paced style ng volleyball ng Hisamitsu Springs’
Sa third set ay umabante ang mga Pinay sa 8-7 sa likod nina outside hitter Eya Laure at middle blocker Cherry Nunag.
Subalit matapos ang unang technical timeout, bumanat ang Hisamitsu Springs ng 8-2 run upang itarak ang six-point lead.
Magmula rito ay nakontrol na ng Japanese squad ang laro at umiskor si Megumi Fukazawa sa off-the-block hit upang selyuhan ang comfortable victory.
Nanguna si outside hitter Miyu Nakagawa para sa Hisamitsu Springs na may 15 points sa 14 attacks at 1 block.
Nagdagdag si Fukazawa ng 14 markers mula sa 11 attacks, 1 block, at 2 service aces.
Sina Vanie Gandler at Alyssa Solomon ang top scorers para sa Alas Women na may tig-5 points. Nag-ambag si Eya Laure ng 4, habang umiskor sina Ara Panique, Faith Nisperos, at Fifi Sharma ng tig-3 points.