(Sagabal sa pagninilay–Bishop Maralit) GADGETS IWAKSI SA KUWARESMA

Marcelino Maralit Jr

PINAYUHAN ni Boac Bishop Marcelino Maralit Jr. ang publiko na iwasan o iwaksi muna ang gadgets ngayong panahon ng Kuwaresma at sa halip ay ituon ang panahon sa pagninilay.

Ayon kay Maralit, chairman  din ng Episcopal Commission on Social Communication, ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), mahalaga ang katahimikan sa pakikipag-ugnayan sa Panginoon.

Paliwanag niya, tulad ng mensahe ng Santo Papa, kadalasan na ay sagabal ang gadget sa pagtamo ng katahimikan na kinakailangan upang makapagnilay at makipag-communicate sa Panginoon.

“We have to go back to the basics of reflection and prayer which is, una silence; if we have cellphones or anything that distracted by other things we will never get that silence necessary for us to be able to listen to God,” ani Maralit, sa panayam sa church-run Radio Veritas.

Aniya pa, dapat buksan ng mananampalataya ang Bibliya, ang pinakabatayang text message ngunit nagmumula sa Diyos.

Nilinaw naman ni Maralit na hindi masama ang magkaroon ng mga gadget tulad ng cellphone, subalit puno na rin ito ng mga negatibong bagay tulad ng fake news.

“The problem is contaminated na [gadgets] and this world right now marami nang laman ang ating mga cellphone and gadgets,” saad pa niya.

Batay sa pagsusuri ng Global Web Index, nangunguna ang Filipinas sa paggamit ng social media sa buong mundo na naitala sa 72 porsiyento sa kabuuang populasyon ang aktibo sa internet o katumbas sa 71 milyong Filipino.

Giit ni Maralit, marahil mahirap pigilan ang nakaugaliang gawain sa social media, ngunit ngayong panahon ng Kuwaresma pagtuunan nawa ng lahat ang pagninilay at pakikipag-usap sa Diyos.

“I would like to invite everybody during especially this Lenten season the ability to put aside your phones for at least two hours a day; pray, read the bible, read spiritual books, pray the rosary, do something different this Lenten season and I assure you it will change you a lot,” dagdag pa ng obispo.

Noong Pebrero 26, idinaos ang Ash Wednesday, na hudyat ng pagsisimula na ng panahon ng Kuwaresma.

Sa mensahe ni Pope Francis, hinimok  nito ang mahigit isang bilyong Katoliko na bawasan ang oras sa paggamit ng cellphone at telebisyon upang maiwasan ang ingay ng mundo na hadlang sa pakikipag-usap sa Panginoon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.