Sagot na ng PhilHealth ang Outpatient Emergency Care!

“Mayroon na bang benepisyo kapag nasugod sa ER?”

– Armida Martinez
Quezon City

Isang masaganang Bagong Taon sa iyo, Armida! Sana ay masaya at ligtas ang inyong pamilya sa pagsalubong ng bagong taon. Ang iyong tanong ay napapanahon dahil kamakailan lamang, bago matapos ang taong 2024, inilabas ng PhilHealth ang bagong benepisyo nito para sa Outpatient Emergency Care o OECB.

Sa OECB Package ay sasagutin ng PhilHealth ang gastusin para sa mga outpatient emergency services na hindi sakop ng Case Rates at iba pang pakete ng PhilHealth. Sa madaling salita, kung ang kaso ng pasyente ay maituturing na emergency ngunit hindi umabot ng 24 oras sa ospital, maaari na itong ma-cover ng PhilHealth. Saklaw nito ang lahat ng outpatient services at mga kagamitan na ibinibigay ng mga PhilHealth-accredited na pasilidad sa kanilang Emergency Department (ED) at mga extension facilities nito.  Sakop din ng benepisyo ng Prehospital emergency (PHE) services ang transportasyon ng pasyente maging ito ay ambulansya sa lupa, dagat at himpapawid ay babayaran batay sa rate na itinakda kaugnay sa patakaran at regulasyon ng DOH.

Ang benepisyong ito ay para sa lahat ng Pilipino, kaya’t mahalaga na magparehistro sa PhilHealth at tiyaking updated ang records at kontribusyon upang maiwasan ang abala sa panahon ng emergency. Epektibo ang polisiyang ito simula Enero 11, 2025, ngunit may mga karagdagang detalye sa pagpapatupad na dapat abangan na ilalathala sa pamamagitan ng isang Advisory.

Kaya wala kang dapat ikabahala, Armida, dahil tinitiyak ng PhilHealth na ang pangangailangang pangkalusugan ng bawat Pilipino ay matutugunan. Dahil isinasakatuparan nito ang mandato ng Universal Health Care Act.

Gaya ng laging sinabi ni PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma, Jr., “Huwag matakot sa pagpapagamot dahil sagot kayo ng PhilHealth!”

Nais din po namin iparating na maga-aacredit po kami ng mga pasilidad para sa peketeng ito.  Maaari din bisitahin ang aming website (www.philhealth.gov.ph) para sa listahan ng mga pasilidad na ami­ng ma-accredit.

PAALALA

Ang bawat miyembro ay pwedeng ­magdeklara ng kanilang qualified ­dependents tulad ng legal na asawa, anak na wala pang 21 taong gulang, o ­magulang na senior citizen na at ­hindi kabilang sa anumang membership ­category ng ­PhilHealth.

Kailangan lang magsumite ng ­malinaw na kopya ng mga dokumento tulad ng marriage contract o birth ­certificate para maideklara sila bilang qualified ­dependents na makagagamit din ng ­PhilHealth benefits!

BALITANG REHIYON

Binigyan ng PhilHealth Local Health Insurance Office-Lucena ng ­orientation tungkol sa Universal Health Care at Konsulta ang mga ­Parent Leadersng iba’t- ibang barangay ng Tiaong, Quezon. Ginanap ito sa ­Barangay ­ ­Lumingon, Tiaong, Quezon.