IPINANUKALA ng Malakanyang na palawigin pa ang water saving projects ng gobyerno upang masolusyonan ang lumalawak na pinsalang dulot ng tagtuyot.
Binabalak ng pamahalaan na atasan ang bawat komunidad na magkaroon ng sariling imbakan ng tubig at rainwater catchment basins.
Matagal nang hinihimok ng mga eksperto ang publiko para sa pag-iipon ng tubig sa panahon ng tag-ulan, na maaring magamit para sa mga kabahayan at maaring maipreserba sa panahon ng tag-init.
Kasabay nito ay umapela na rin ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa mga konsyumer na gamitin nang tama at maayos ang suplay ng tubig at makibahagi sa mga hakbang upang masiguro ang sapat na suplay nito.
Iniulat na patuloy ang pagbaba ng water level ng La Mesa dam na isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig.
Samantala, ayon naman sa Pagasa, posibleng maitala pa ang mas mahaba at mas mainit na panahon na makaaapekto sa mahigit 30 probinsiya sa bansa.
Kaugnay nito ay tiniyak ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Edgar Posadas na kontrolado pa rin ang epekto ng El Niño sa bansa.
Tiniyak ng NDRRMC na naaagapan pa ang sitwasyon ngunit hindi pa rin sila nagpapakampante.
Marami umanong local government unit ang nagpasa ng kopya ng kanilang resolusyon para aksiyunan ang problemang dulot ng El Niño sa kanilang lugar.
Karamihan sa mga ito ay mula sa Mindanao at Mimaropa region.
Nagpaalala naman si Posadas sa mga LGU na maaari silang humiling ng kakailanganing pondo mula sa NDRRMC. VERLIN RUIZ
LEBEL NG TUBIG SA ANGAT NORMAL PA
PATULOY na binabantayan ng National Water Resources Board (NWRB) ang lebel ng tubig sa Angat Dam kung sakaling magbago ito sa El Niño period.
Sa kabila ito ng pangamba na bumaba na rin ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Tiniyak ni NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr. na ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nasa 200.97 meters, mas mataas ng 20 meters sa minimum operating level ng reservoir na 180 meters.
Ang Angat Dam na nasa Norzagaray, Bulacan, ay ang main supplier ng tubig sa Metro Manila.
“Sa ngayon, sa tingin namin may sapat tayong supply ng tubig sa Angat para matugunan ang pangangailangan ng mga kababayan natin sa Metro Manila, kasama na rin ‘yung irigasyon sa Bulacan at Pampanga, lalo na itong buwan ng Marso, or itong panahon ng tag-init,” paniniguro ni David.
“Sana makarating ‘yung panahon ng tag-ulan nitong mga buwan ng Mayo o Hunyo,” dagdag pa niya. NENET V
Comments are closed.