NGAYONG araw ay pormal na inihayag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapalawig ng benepisyo nito sa hemodialysis mula 90 hanggang 156 sesyon simula ngayong taon. Ito ay batay sa PhilHealth Circular 2023-0009 na epektibo na ngayong Hunyo 22, 2023.
Ang mga miyembro ng PhilHealth pati na ang kanilang mga kwalipikadong dependents na mayroong chronic kidney disease stage 5 (CKD5) at nangangailangan ng hemodialysis ay maaaring mag-avail ng nasabing benepisyo. Kailangan lamang na sila ay nakarehistro sa PhilHealth Dialysis Database bago mag-avail ng dialysis.
Ipinaliwanag ng PhilHealth na ang kabuuang 156 sesyon ay ayon sa kasalukuyang panuntunan para sa kinakailangang tatlong sesyon sa isang linggo sa loob ng 52 linggo o katumbas ng isang taon. Dahil sa karagdagang benepisyo, maaaring makapag-avail ang mga CKD5 patients ng hanggang P405,600.00 kada taon. Ang pakete ng PhilHealth para sa dialysis ay P2,600 kada sesyon.
“Tiwala kami na ang suportang ito ay malaking ginhawa para sa mga Kababayan nating umaasa sa life-saving treatment na ito.” ani ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma Jr. “Ang pagpapalawig ng benepisyo para sa hemodialysis ay patunay na ang PhilHealth ay nakikinig sa panawagan ng ating mga miyembro. Patuloy ang aming pag-aaral na mapabuti ang mga benepisyo ng PhilHealth upang mas mabigyan pa ng sapat na financial risk protection ang mga Filipino,” dagdag ni Ledesma.
Mariin namang ipinaalala ng PhilHealth na inirerekomenda nito ang peritoneal dialysis (PD) bilang unang hakbang sa paggamot ng mga pasyenteng mayroong CKD5. Sinabi rin ng ahensya na ang kidney transplantation pa rin ang “gold standard treatment” para sa mga pasyenteng may kidney failure. Nakaamba na rin ang pagtaas ng financial coverage para sa peritoneal dialysis at kidney transplant sa susunod na dalawang taon.
Binanggit ni Ledesma na ang pagpapalawig ng benepisyo sa hemodialysis ay naging posible dahil sa tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). “Sa tulong ng PAGCOR at PCSO ay mabilis nating maipatutupad ang Universal Health Care Law. Ang pagpapalawak ng benepisyo ng PhilHealth ay bilang pagtugon din sa prayoridad ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabawasan ang out-of-pocket expenses sa kalusugan ng mga Filipino na naaayon sa layunin ng ating pamahalaan na Matatag, Maginhawa at Panatag na Buhay para sa Filipino sa 2040,” sabi nito.
Mayroon nang P21 bilyong pondo mula sa dalawang partner agencies na nakalaan para sa PhilHealth sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act.