NAG-ANUNSIYO na naman si Pangulong Duterte noong Huwebes. Nagbigay ng matapang na pananalita sa mga mamamayang Filipino na seryososhin ang pag-obserba ng ECQ upang hindi kumalat ang COVID-19. Patuloy pa rin kasi ang pagtaas ng kaso ng mga tinatamaan nito.
Ang mabigat na paalala ni Duterte ay bunsod sa mga napapabalitang pagdami ng mga sasakyan sa ating mga lansangan at mga larawan sa social media na mga taong nagsisiksikan sa mga palengke. Tila binabalewala ng marami sa atin ang ‘social distancing’ upang hindi kumalat ang nasabing nakamamatay na virus.
Dagdag pa rito ay ang pagsita ni Manila Mayor Isko Moreno sa isang barangay sa Parola Compund sa Tondo kung saan nagsasagawa sila ng pa-bingo at paligsahan ng boksing. Para bang nagdidiwang sila ng piyesta. May nagsagawa pa ng tupada sa North Cemetery noong Semana Santa at ang namuno pa ay isang kapitan ng barangay mula sa Caloocan City. Galit na galit si Yorme at sinugod ang kanilang barangay hall sa Caloocan maski na siya ay taga-Maynila.
Saan ko ba dinadala ang usapan na ito? Ang lahat na mga kaganapan na ito ay nag-ugat sa kakulangan ng disiplina.
Lumaki ako sa kainitan ng martial law noong panahon ni Marcos. Bagama’t sa murang edad, marami rin akong naririnig at nababalitaan na mga kalokohan noong panahon na iyon. Nguni’t ang masasabi ko ay may takot at may disiplina noong mga panahon na iyon.
Bilang isang bata na nasa elementarya noong dekada ng martial law, malimit na napapanood ko sa telebisyon at naririnig sa radyo noon ang katagang ‘Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan’. Ma-laking bagay ang mensaheng ito noon sa aming mga kabataan. May mga programa sa paaralan na pagpapalakas ng pag-iral ng disiplina.
Wala kang makikitang mga pasaway noon. Sa totoo lang, may kalalagyan ang mga lumabag sa batas noong mga panahon na iyon. Alam naman natin, ayon sa kasaysayan, kung ano ang nangyari kay Marcos at kung bakit bumagsak ang kanyang rehimen noong 1986.
Subali’t ngayon ang panahon upang ibalik ang kahalagahan ng disiplina. Mahalaga na sumunod tayo sa ating mga awtoridad na manatili sa ating mga tahanan at iwasan ang pagala-gala sa lansangan. Ang panawagan ng ating gobyerno ay para sa lahat. Hindi lamang sa mga mahihirap nating kababayan. May mga kababayan din tayo na mas nakaaangat sa buhay nguni’t pasaway rin. May mga sasakyan ang mga ito. Ang ilan sa kanila ay mataas ang pinag-aralan. Malakas sila sa social media sa pagbatikos sa ating pama-halaan sa kakulangan at kapalpakan sa paghahanap ng solusyon laban sa COVID-19, nguni’t sila mismo ang hindi sumusunod sa ECQ.
Marami sa atin ay may ganitong ugali. Hindi nalayo ito sa mga motorista na malakas magbatikos sa malalang trapik sa atin bago ipinatupad ang ECQ. Matindi sila sa angal, nguni’t kung personal na maapektuhan sila sa paglabag ng batas trapiko ay masahol pa sila sa isang asong ulol kung magalit.
Mahalaga na umiral ang disiplina sa mga panahon ngayon. Kailangan na magsakripisyo tayo sa mga maliliit na kaginhawaan na dati nating natatamasa upang makatulong sa pangkalahatan. Masakit man sa akin na nakikitil ang mga dating gawain ko bago nagkaroon ng ECQ, nguni’t handa akong magsakripisyo upang matapos na ang pangkalahatang suliranin natin para masugpo ang pagkalat ng COVID-19.
Huwag na natin isipin kung saan nagmula ang mensaheng ito. Subali’t ang diwa nito ay totoo. Sa ikauunlad ng Bayan, Disiplina ang kailangan.
Comments are closed.