(Sagot sa kakulangan sa suplay sa pagkain)MARINE FARMING PALAKASIN

HINIMOK ni AGRI Party list Rep. Wilbert T. Lee ang pamahalaan na palakasin ang sektor ng marine farming o mariculture dahil maaari itong pagkakitaan nang malaki at maging sagot sa kakulangan ng suplay ng pagkain sa bansa.

Ayon kay Lee, sa ngayon ay may mga ilan na ang nakikinabang sa paggamit ng marine farming system kung saan ang ibang naaaning aquatic products ay nagiging pang-export kaya dollar revenue source din ito ng Pilipinas.

Paliwanag ng AGRI party-list lawmaker, ang aqua culture productions ay kinabibilangan ng sea cage, long lines at iba pang culture method structures na nasa marine o coastal areas.

Kabilang sa high value species na maaaring mapagkakitaan nang malaki ay ang bangus; siganid, na kilala rin bilang kitong o danggit; seaweeds; oysters o talaba; mussels o tahong; red snappers o maya-maya; groupers o lapu-lapu; sugpo, alimango at iba pang maaaring mabuhay at maparami sa nasabing mga aqua culture method.

Kasabay nito, inihain ni Congressman Lee ang kanyang House Bill no. 5531, o ang National Mariculture Program (NMP) bill, na naglalayong mapalawak pa ang saklaw ng kahalintulad na programang ipinatu­tupad sa ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Sa ilalim ng NMP Bill, bingyang-diin ni Lee na dapat gumamit ang gobyerno ng ecosystem-based approach na magtitiyak na ang marine environment ay lubos na mapangangalagaan at ang potensiyal nito para sa aqua culture livelihood and productions ay magiging kapaki-pakinabang.

Nakapaloob din dito ang paglalaan ng gobyerno ng kaukulang pondo para sa technical skills training sa aqua resources production, harvesting, processing, storage, at transport stages; pagpapagawa ng mga kaukulang imprastraktura at pamamahagi ng mga kagamitan sa post-harvest; at pagtitiyak na mayroong simpleng pamamaraan na pautang na magagamit bilang puhunan o kapital.

Paggigiit ng mambabatas, magandang solusyon ang mariculture para sa food security ng bansa at livelihood para sa mga mamamayang Pilipino, na kung madi-develop nang maayos ay wagi ang lahat.

ROMER R. BUTUYAN