(Sagupaan ng militar at terorista) ARMAS, PAMPASABOG NASABAT

SURIGAO DEL NORTE-NAKASAMSAM ang militar ng mga gamit pandigma ng New People’s Army ( NPA) matapos na masabat ng mga tauhan ng 30th Infantry (Fight On) Battalion, Philippine Army ang isang grupo ng NPA sa bahagi ng Brgy. Motorpool, Tubod sa lalawigang ito.

Bago ang nasabing engkwentro, nakatanggap ng sumbong ang militar mula sa mga sibilyan hingil sa presensya ng armadong grupo na nangingikil at nananakot sa komunidad.

Ang mga nasabing armadong grupo ay napag-alaman na miyembro ng pinaghalong Sandatahang Yunit Pangpropaganda (SYP) 16C1 at 16C2, Guerilla Front (GF) 16 North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) na pinamumunuan nina Alberto Castañeda @ JD at Roel Neniel @ Jacob.

Bilang tugon sa nasabing sumbong agad nagplano ang mga sundalo ng 30IB upang kumpirmahin ang nasabing balita na habang nagsasagawa ng security patrol ay agad pinaputukan ng mga armadong grupo ang mga tropa ng military na agad nakaganti ng putok na tumagal ng 15 minuto.

Matagumpay na nakuha ng mga tropa ng pamahalaan ang 1 AK47 Rifle, 11 magazines na naglalaman ng mga bala, 182 bala ng AK47 at 376 bala ng M16, 1 rifle grenade, 5 40mm live rounds, 2 set ng IED’s o pampasabog na may kasamang blasting caps, 6 na backpack na may mga pansariling kagamitan, ibat-ibang dokumento at mga pagkain at medisina.

Sa pahayag ni Lt Col Ryan Charles Callanta, pinuno ng 30IB, nagpapasasalamat ito sa patuloy na pagsuporta ng mga mamamayan laban sa terorismo. VERLIN RUIZ