SAHOD NG MGA MANGGAGAWA TATAAS SA MASIGLANG EKONOMIYA-MARCOS

TINIYAK ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na tutugunan niya ang hinihinging dagdag pasahod ng mga manggagawa sakaling palarin na manalo sa darating na halalan.

Ayon kay Marcos, ramdam at batid niya ang pangangailangan ng mga obrerong Pinoy, ngunit kailangan muna aniyang patatagin ang kalakaran sa bansa upang makabalik ang mga kompanyang tinamaan nang husto dahil sa pandemya.

“Alam natin ang pangangailangan ng sektor ng paggawa na kailangan ding taasan ang sahod pero dahil nga hindi pa tayo nakakabangon mula sa pandemya ay siguraduhin muna nating pasiglahin ang kalakalan,” ani Marcos.

“Tiyakin muna natin ang pagbubukas ng mga kompanya at ang pagbabalik sa trabaho ng ating mga kababayan. Mula sa ganung konsepto ay titiyakin natin ang kaluwagan at pagbibigay ng maaaring mga benepisyo sa ating mga manggagawa,” dagdag pa nito.

Aniya, ang economic growth ay tutugon depende sa kakayahang bumili ng pangangailangan ng mga tao at mga business investment kaya kailangan muna ang matibay at matatag na hanapbuhay para sa lahat.

“Alam ng management (ng mga kompanya), ng pamahalaan, at mga manggagawa ang kalagayan ng ekonomya kaya lahat ay nagtitiis. Kahit nakikita na natin ang unti-unting pagbangon ay kailangan pa ring patatagin muna ang kalakalan at iyan ang ating pagsisikapang gawin,” dagdag pa ni Marcos.

Sinabi ng mga eksperto na ang business sector ay maingat na naghihintay sa posibleng kalalabasan ng resulta ng Halalan 2022 bago ang iba sa kanila ay magbukas ng negosyo o magpalago pa ng kanilang kompanya.

Ipinagdiinan ng standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas na ang “micro, small and medium enterprises, o MSMEs, ay sandigan ng programang pang-ekonomya, kasabay ng pagkilala rin sa kahalagahan ng mga sektor sa paggawa.

“Parang may domino effect ang pag-unlad. Kailangan nating ibangon ‘yung mga sektor na bubuhay sa ekonomiya at susunod na ang lahat. Ang isang maunlad na ekonomiya ay magbubunga ng maunlad na bansa at maunlad na mamamayan,” sabi pa ni Marcos.

Sa pangwakas, sinabi ni Marcos na napakalaking bagay para sa pagpapatatag ng ekonomya ang aspeto ng kalakaran at komersiyo.

“Pangarap ko na iangat ang kabuhayan ng bawat isa, lalo na ang mga manggagawa. Kaya’t asahan ninyo na pagsisikapan natin ito. Sa sama-samang tulong ng bawat isa sa atin ay makakaahon din tayo,” sabi pa niya.