SAKO-SAKONG ASUKAL NAKUMPISKA SA BODEGA

PAMPANGA- SA pamamagitan ng Mission Order pinasok ng mga tauhan ng Bureau of Customs, ibang sangay gobyerno at Bantay -Bayan ang Penson Warehouse na sinasabing nagtatago ng libo-libong sako ng asukal sa bisinidad ng Lison Building Public Market ng Brgy. Del Pilar, San Fernando sa lalawigang ito kamakalawa ng gabi.

Ang operasyon ng Customs ay salig sa utos ni Executive Secretary Vic Rodriguez sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Ganap na alas-9 ng gabi nang pasukin ng mga awtoridad ang bodega na naglalaman ng imported na asukal mula sa Thailand at iba pang products tulad ng motorcycle parts mula sa China.

Ayon kay Brgy. Chairman Jerry Canlas, higit na sa sampung taon na nag-ooperate ang naturang warehouse na pag-aari ng mga negosyanteng Intsik.

Samantala, pansamantala ikinandado ng bodega at binigyan ng 15 araw ang mga may-ari ng imported goods na sagutin ang mga dokumentong dala ng ahensya kaugnay sa umano’y hoarding ng asukal na patuloy na tumataas ang halaga sa merkado. THONY ARCENAL