(Sakop ng LPA lumawak) MALAKAS NA PAG-ULAN ASAHAN SA VISAYAS, MINDANAO-PAGASA

DAHIL sa lumawak na ang apektado ng ulan dulot ng low pressure area (LPA) na kung saan bumuhos na rin ang malakas na ulan sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.

Ito ang iniulat ng PAGASA, makaraang pumasok na ang namumuong sama ng panahon sa kalupaan ng Prosperidad, Agusan del Sur.

Ayon sa PAGASA, ramdam ang LPA mula sa Luzon hanggang Mindanao.

Kabilang sa nakakaranas ng malakas na ulan ang Bicol Region, malaking parte ng Visayas lalo na sa bahagi ng Eastern at Central gayundin ang Caraga, Northern Mindanao at Zamboanga Peninsula sa Mindanao.

Kaugnay nito, pinakikilos na ng PAGASA ang publiko at Disaster Risk Reduction and Management Offices na maging alerto at gumawa ng agarang aksyon sakaling tumindi ang mga pag-ulan.

Sa kasalukuyan, may nakataas nang flood alert sa malaking parte ng Mindanao dahil sa posibilidad na tumagal pa ang maulang panahon hanggang sa buong maghapon.