SAKRIPISYO AT DEBOSYON NG MGA GURO SA KANILANG PROPESYON

KUNG walang mga guro, walang karunungan.

Marahil kung wala sila, walang bagong guro, seaman, pulis, sundalo, abogado, dentista, manggagamot, mediaman, enhinyero at iba pang propesyon.

Sabi nga, pangalawang magulang sila ng mga bata.

Katuwang natin sila sa paghubog ng asal at kaalaman ng mga kabataan na tinaguriang “pag-asa ng bayan.”

Ito ang dahilan kaya saang dako man ng mundo, pinagkakalooban sila ng karampatang respeto at pagpupugay.

Sa Pilipinas, noong 2018 ay nag-isyu ang Department of Education (DepEd) ng isang memorandum order na nagdedeklara ng “National Teachers’ Month” tuwing ika-lima ng Setyembre hanggang ika-lima ng Oktubre kada taon.

Siyempre, sang-ayon na rin ito sa Presidential Proclamation No. 242 (National Teachers’ Month) at Republic Act No. 10743 (National Teachers’ Day).

Tuwing ika-lima naman ng Oktubre (kahapon), ipinagdiriwang natin ang World Teachers’ Day (National Teachers’ Day sa Pinas) na siyang pagtatapos ng pambansang buwan ng mga guro.

Talagang hindi biro ang papel ng mga titser natin.

Kaya nga kahapon, kinilala ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang sakripisyo at debosyon nila sa kanilang propesyon.

Kung matatandaan, noong Oktubre 5, 1966 sa Paris ay lumagda ang United Nations (UN) member states, kabilang ang Pilipinas, sa “UNESCO-ILO Recommendations on the Status of Teachers,” isang dokumento na nagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga guro sa buong daigdig.

Naging batayan din ito ng pagsasabatas ng Magna Carta for Public School Teachers (RA 4670) na itinuturing naman na ‘Bibliya’ ng mga guro sa ating bansa.

Subalit, ayon kay TDC national chair Benjo Basas, matapos ang 56 taon ay patuloy pa ring nakikibaka ang mga Filipino teacher para sa patas na sahod, karagdagang benepisyo, maayos na working conditions, protective policies, at iba pa na nakasaad sa ilalim ng UNESCO-ILO at Magna Carta for Teachers.

Sa ilang lugar sa bansa, may mga mag-aaral na nagtitiis maglakad sa sira-sira at bahaing kalsada.

May mga tumatawid sa mga mapanganib, sirang tulay at malakas na agos na tubig sa ilog.

Ginagawa nila ito makarating lamang sa kanilang iskul.

Nagsasakripisyo sila dahil ito ang magdadala sa kanila sa tagumpay at maliwanag o magandang bukas.

Sa kabilang banda, kung ganoon ang dinaranas ng mga bata, tila triple pa ang pagtitiis na ginagawa ng mga titser.

Marami ring tumatawid sa ilog, pumapanhik ng bundok, bumabagtas sa maputik, baku-bako at matinik na daan para lamang makarating sa paaralang pinapasukan o pagtuturuan nila.

Halos araw-araw nila itong ginagawa para maturuang bumasa at sumulat ang mga bata.

Tuna na malaki ang ambag nila sa “nation building”.

Importanteng bigyan sila ng tamang respeto at maitaas ang antas ng kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng mga guro sa ating lipunan.

Ibigay sa kanila ang malawakang suporta at pasasalamat.

Napakahirap ng mga gawain ng mga guro.

Kung titimbangin, hindi sapat ang tinatanggap nilang suweldo.

Kahit pa nga lampas na sa oras ang trabaho, hindi sila dumadaing.

Kung minsan, hindi pa sila binibigyan ng kaukulang respeto ng mga estudyante, gayundin ng mga magulang.

Kapag sinaway ang bata, aba’y nauuwi pa kung minsan sa kaso o reklamo.

Tunay na mataas sana ang antas nila sa ating lipunan.

At kung tutuusin, hindi sapat ang isang buwan (National Teachers’ Month) para kilalanin ang sakprisyo nila sa bayan.

Hinuhubog nila ang personalidad ng mga bata upang maging mabuting tao at mamamayan.

Kaya naman, kami po ay nakikiisa sa mundo at sa buong sambayanan sa pagbibigay-pugay sa lahat ng mga guro.

Nakaatang sa kanilang mga balikat ang hamon ng buhay ng ating mga kabataan.