SAKRIPISYO NG PINOY SEAFARERS KINILALA NG SIMBAHAN

PINOY SEAFARERS-3

KASABAY  ng  pagdiriwang ng 24th National Seafarers Day, isang banal na misa ang idinaos ng Simbahang Katolika kahapon upang bigyang-pagkilala ang mga Pinoy seafarers.

Ang naturang banal na misa ay pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ginanap dakong 9:00 ng umaga sa Paco Arena sa Maynila.

Sa kaniyang homiliya, pinasalamatan ni Tagle ang mga mandaragat na Pinoy sa kanilang kontribusyon at sakripisyo para sa kanilang pamilya at sa bansa.

“Maraming salamat sa inyo. Isa kayo sa best exports ng Philippines. Hindi produkto kundi tao…marangal na Pilipino (sic) iyan ang kinikilala ng maraming bahagi ng mundo. Salamat sa inyo,” aniya.

“Sa inyo na patuloy na naglalayag sa ocean sa karagatan ng mundo, paalala ng simbahan… kasama kayo ni Hesus at si Hesus kasama ninyo sa inyong paglalakbay at kung nasaan si Hesus nandoon din ang simbahan, nandoon kasama ninyo sa panalangin at sa aktibo na ministry, aktibo na paghuhubog ng inyong pagkatao at ng inyong relasyon sa panginoon, sana huwag ninyo iyon kalimutan,” paalala pa niya sa mga ito.

Sinabi ni Tagle na batid niyang hindi madali para sa mga marino na lumayo sa kanilang mga mahal sa buhay ngunit dapat aniyang ang sakit ng loob ng mga ito sa paglayo sa kanilang pamilya ay magbigay ng lakas ng loob sa kanila upang lalong magsumikap.

“Hindi madali para sa inyo ang lumayo sa sa inyong pamilya. Ito ay para sa kababaihan at kalalakihan, pero sa kulturang Pilipino lalo na yung babae na minsan ina­asahan ng magulang na makakasama sa bahay, sa kanilang katandaan, sa kanilang karamdaman, me­ron ibang kirot sa puso ng kababaihan ang mawalay sa kanilang pamilya. Kaya isa rin itong palatandaan ng inyong pagmamahal, ng inyong lakas ng loob, ng iyong pananampa­lataya na ang kirot na ito ay dala-dala ninyo at inyong dinadala bilang alay sa kabutihan ng inyong pamilya at ng ating bansa.  Kaya yung galing at talino, yung integridad, hindi ibig sabihin walang sakit, meron sakit, pero sakit na hindi nagpapahina kundi sakit na lalong nagpapalakas,” aniya pa.

“Kaya sa mga seafarers, ipakita natin sa mundo ito ang dangal ng Pilipino at kahit na tayo ay nagdurusa sa paglayo sa pamilya at sa bansa, ang sakit na ito ay hindi dahilan para ma-paralyze kundi  lalo pang magpunyagi at at magsikap,” aniya pa.

Pinaalalahanan rin niya ang mga ito na kapag gumanda ang kanilang buhay ay huwag kalimutan ang mga kapuspalad at pakikipag-kapwa-tao.

“Ang paalaala lamang ng mga pagbasa: minsan pag umaayos na ang buhay, ang kayamanan at rangya ang comfort–maa­ring makabulag;  ang pera maaring mauwi sa pagkamanhid dahil komportable na ako wala na…. nakakalimutan yung kapwa tao,” ani Tagle.  Ipinangako rin naman ni Tagle na patuloy na ipagdarasal at susu­baybay ng simbahan ang mga marino at kanilang pamilya.

Tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Marinong Filipino-Kababaihan: Palakasin sa Industriya.”   ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.