TODO-TODO ang pasasalamat ng mga biktima ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal sa gobyernong Duterte, maging sa mga miyembro ng Kamara de Representantes dahil sa hindi pagpapabaya sa kanila sa gitna ng kalamidad.
Aba’y kambal na resolusyon ba naman ang pinagtibay ng Kamara sa ginawang sesyon sa Batangas City na tutulong sa mga biktima ng Taal. Ito ay ang HR 662 na sumusuporta sa P30 bilyon na hiling ni Digong na supplemental budget para sa mga biktima ng Taal at ang HR 655 na humihiling na ipalabas sa lalong madaling panahon ang pondo para sa relief efforts at programa para sa mga biktima ng trahedya at kalamidad.
Ayon sa isang bakwit na nasa pinakamalaking evacuation center sa lungsod ng Batangas na si Aling Epifania Deogracias, napakaganda ng ginawang pagkakaroon ng sesyon ng Kamara sa Batangas Convention Center. “Napakaganda ng ginagawa nila. Kami ay nagpapasalamat na dinadamayan nila kami. Hanga ako sa kanila sa kanilang malasakit sa mga taong kagaya ko.”
Sinabi naman ni Ginang Delilah de Castro na pangarap niyang makauwi na sa kanilang tahanan dahil iba pa rin umano ang pakiramdam sa kanilang bahay kahit maayos ang kanilang kalagayan at pagkain sa kanilang evacuation center. Ipinarating din niya ang kanyang pasasalamat sa ginawa ng Kama-ra na pagpunta sa Batangas para mag-sesyon at pakinggan ang mga pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Maging si Cong. Raniel Abu ng Batangas ay nagpasalamat kay Speaker Alan Cayetano dahil sa determinasyon nito na matulungan ang mga biktima ng pag-alboroto ng Bulkang Taal. Paano ba naman, binitbit pa ni Cayetano ang mga kapwa kongresista para sa Batangas gawin ang sesyon ng Kamara upang mapakinggan ang hinaing at mga pinagdadaanan ng mga biktima ng kalamidad.
Ayon pa nga kay Abu, hindi basta-basta igugupo ng kalamidad ang mga Batangeno at iba pang biktima ng Taal ngunit nakatataba ng puso na mara-mi ang nagmamalasakit sa mga biktima ng Taal.
Ito kasi ang kauna-unahang sesyon na ginawa ng Kamara sa labas ng apat na sulok ng Kongreso magmula noong 1987. Minabuti ng Kamara na ilapit pa lalo sa tao lalo na sa mga biktima ng kalamidad ang mga kinatawan ng Kongreso upang pakinggan ang mga pangangailangan ng mga biktima, lalo na sa aspeto ng rehabilitation plan.
Dahil ayon sa lider ng Kamara na si Speaker Cayetano, hindi lang dapat relief efforts ang tinututukan kundi ang long term solutions para sa mga nabibiktima ng trahedya at kalamidad sa bansa lalo pa ngayon at sunod-sunod na tinatamaan tayo ng kalamidad lalo na ng bagyo at lindol.
Kaya tapikin natin sa balikat ang ating nga mambabatas dahil sa kanilang mga ginagawa na akala ng marami sa atin ay imposibleng gawin lalo na sa kanilang mga hakbang gaya ng P.5-M na donasyon ng Rules Committee sa Taal victims, patuloy na relief operations ng Bahay, BHW party-lists at Congw Len Alonte na nagbigay ng relief packs, Cong. Mike Defensor na nagbigay ng N95 masks at si Speaker Cayetano at misis na si Congw. Lani na nagbigay rin ng family food packs, inuming tubig, libreng medical consultations, gamot at N95 masks.
Ilan lamang ito sa mga tulong na naipamigay na ng mga kongresista sa mga biktima ng Taal.
Comments are closed.