SALAMAT PA RIN, GILAS PILIPINAS

WARNING SHOTS

ISA ako sa milyon-milyong Pinoy na tagahanga ng ating mga basketbolistang Pinoy, mula sa NCAA, UAAP, PBA, MPBL maging hanggang sa pamosong NBA at Fiba world Cup.  Isa rin ako sa maraming nadismaya at nalungkot, subalit alam ko naman na sa line up pa lamang ng pagpili ni Coach Yeng Guaio ng ating Gilas ay talagang tatalunin.

Maging si Pangulong Duterte ay hindi rin nagkamali nang tanungin siya tungkol sa partisipasyon ng Gilas Pilipinas na maglaro sa China. Isa lang ang nasabi niya: Hindi mananalo.

Kung panahon ng paghahanda sa lahat ng kompetisyon ang ating pag-uusapan, naging sapat ba ang paghahanda ng ating Gilas Pilipinas? Tama at sapat na paghahanda ang laging puhunan ng mga manlalaro ?

Maituturing natin na sa 181 mga koponan na kasali sa Fiba World Cup,  pang 31 ang Gilas Pilipinas mula sa 32 mga sumali para sa second round. Kung sakali,  pasok tayo sa  final round sa 2020 na gaganapin sa Japan ngunit natalo nga tayo sa Italya, Serbia, at Angola, kaya’t wala tayong inaasahan sa 2020.

Huling nakapasok ang  Filipinas sa FIBA noong 2014, record-breaking sa 36 na taon na hindi tayo nakapasok sapagkat ang huli ay taong 1978. Sa tagal ng panahong ito,  maraming nagbago sa estilo ng basketball. Na­ging scientific, naging mas mahirap ang training, at siyempre “HEIGHT IS MIGHT” pa rin.

Maihahalintulad ang paghahanda sa basketball sa pagpapatakbo sa isang pamahalaan o opisina na dapat  tingnan ang kakayahan ng bawat manlalaro, track record, galaw, speed, height, shooting power, at higit sa lahat ay isang magulang at matalinong manlalaro.

Ayon sa mga sikat na sports analyst, hindi naman talaga kayang itapat ang Pinoy sa mga best of the best players in the world.  Lahat na yata ng mga qualities ng isang magaling na basketbolista ay nasa magagaling na koponan ngayon ng Spain, Argentina, at maging ang back to back champion na US.

Ngunit hindi tayo nagpatinag kahit man ang laban ay tila sina David at Goliath. Nakita ko ang pagsuporta ng SBP o Samahang Basketbolista ng Pil-ipinas, at ng mga PBA team na rin para isakripisyo sa mga PBA games na hindi makalaro at pagtuunan ng pansin ang FIBA.

Dumami ang sports analysts sa social media nitong nakaraan nang naging tampulan din ng sisi at batikos ang nagbitiw na si Coach Yeng Guiao.  Ayon sa mga legitimate at sa mga feeling sports analysts,  maraming rookies ang kinuha sa koponan, gayung alam natin ang mga kalaban ay lubhang professional basketball players. Tanong na tanging si Coach Yeng lamang ang makasasagot.

Sa mga ganitong panahon na sinubukan ng ating mga atleta na ibigay ang kanilang makakaya sa likod ng kakakulangan sa suporta, mas nagagawa nating mapuna ang mga pagkakamali imbes na magpasalamat tayo sa kanila at tulungan silang kalampagin ang gobyerno at pribadong sektor  sa suporta?

Samakatuwid, maraming bigas pa ang kakainin nating mga Pinoy bago natin makuha ang rurok ng tagumpay sa FIBA World Cup, ngunit hindi na-man natin malalaman at matutunan kung di natin susubukan. Ang karanasan ito ay paghahanda rin sa tagumpay.

Tingnan din natin na mas palakasin pa ang suporta sa mga local amateur and professional leagues tulad ng MPBL, na maka-develop ng home grown talent sa basketbol at PBA.

Sanay’s mabigyan din ng pansin ang ibang sports na hindi na nangangailangan ng lubos na height o taas ng isang player, gaya ng  table tennis, box-ing,swimming, shooting, o kaya naman ay bowling competition.

Ngunit, hindi lang matatag na fighting spirit  at moral support ang kinakailangan ng ating mga atleta,  kailangan din nila ng sapat na gugol ng salapi o pondo ng gobyerno at private sector na aminado naman tayo na malayo-layo pa ang ating lalakbayin.

Gayunpaman, dahil pusong gilas, at pusong Pinoy na habang nasasaktan ay lalong tuloy tuloy ang laban. Maraming salamat pa rin, Gilas Pilipinas.

Comments are closed.