SALAMAT PINOY OLYMPIANS

NAKABALIK na sa Pilipinas ang mga atletang Pinoy na kalahok at nakakuha ng medalya sa Paris Olympics 2024 gayunin ang lahat ng sangkot sa sports organization sa bansa.

Isang masigabong palakpakan para sa kanilang lahat at hindi lamang sa nakakuha ng medalya.

Ang bida ay ang golden boy na si Carlo Yulo na nakasungkit ng dalawang ginto, na nagbigay ng malaking para­ngal sa bansa.

Ganoon din sina Nesthy Petecio at Aira Villegas na parehong nakakuha ng tig-isang bronze.

Kahapon ay isang heroes’ welcome ang pagtanggap ng Malacanang sa mga atletang Pinoy na Olympians.

Nararapat na bida feels para sa mga Pinoy Olympian dahil muling kinilala ang Pilipinas sa larangan ng sports at dalawang beses ding narinig ang himno ng Lupang Hinirang, ang pambansang awit ng Pilipinas, nang makuha ni Yulo ang ginto.

Labis na karangalan ang bigay ng mga Pinoy Olympians sa bansa dahil sa kanilang laban ay pansamatalang nakalimutan ang mga personal na suliranin ng lahat ng mga sumubaybay sa kanilang laban.

Maraming salamat sa mga nag-uwi ng medalya, Yulo, Villegas, Petecio at sa lahat ng Olympians.

Pero hindi rin namin nakakalimutan ang hatid na parangal nina EJ Obiena, ang World’s Number 2 Pole vaul­ter; boxers Hergie Bacyadan, Eumir Marcial at Carlo Paalam.

Salamat din sa mga gymnast na sina Aleah Finnegan, Levi Ruivivar at Emma Malabuyo; rower Joanie Delgaco; weight lifters Vanessa Sarno; John Ceniza at Elreen Ando; fencer Samantha Catantan; Judoka Kiyomi Watanabe; hurdlers John Cabang Tolentino at Laura Hoffman; swimmers Kayla Sanchez  at Jarod Hatch gayundin ang golfers na sina Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina.