‘SALAMAT SA PAGKILALA AT PAGPAPAHALAGA KAY FPJ’ — SUSAN ROCES

HINDI umano sapat ang salita upang maipakita ni Susan Roces ang pasasalamat niya sa lahat sa pagkilalang ipinagkakaloob sa kanyang namayapang asawang si Fernando Poe Jr. (FPJ) sa pamamagitan ng pagpapalit ng pangalan ng Roosevelt Avenue sa Quezon City bilang FPJ Avenue.

Ayon sa beteranang aktres, nagpapasalamat siya kay President Rodrigo Duterte sa pagpirma sa batas na nagbibigay-karangalan kay FPJ.

“Maraming salamat sa inyong pagkilala at pagpapahalaga sa aking kabiyak sa pagpapangalan sa kanya ng FPJ Ave­nue,” aniya. “Maging inspirasyon sana ang kababaang-loob, malasakit sa kapwa, at pagmamahal sa sining ni FPJ sa bawat daraan sa abenidang ito.”

Samantala,  nagpapasalamat din sa lahat si Sen. Grace Poe, anak ni FPJ. Aniya, “For every Filipino, every ‘probin­syano’ (those from the provinces) who will pass along this avenue, we hope this serves as a physical reminder that no dream is too big and no goal is ever out of reach,” aniya. “Nawa’y magsilbing ehemplo ng katatagan, pagpupunyagi at pag-asa ang buhay ni FPJ sa ating mga kababayan.

Kinilala si FPJ bilang “Da King,” o Hari ng Pelikulang Filipino, kung saan nagbida siya sa may 300 pelikula sa 46 na taon ng kanyang movie career. Noong 2012, kinumpirma ni President Benigno Aquino III ang proklamasyon ni President Gloria Macapagal-Arroyo noong 2006, na nagdedeklara kay FPJ bilang National Artist.

Sa hiwalay na report, naniniwala si Grace na ikinatutuwa ng kanilang amang si FPJ ang desis­yon ng kanyang kapatid na si Lovi Poe sa ABS-CBN. Ani Grace, “Dear Lovi. I’m sure Papa’s very proud of you. In my heart, you’re always pamilya (family). Conti­nue to make us proud. My special wish is that you actually make an action film. Kayang-kaya mo yan kasi disiplinado ka, very fit at alam ko maga­ling ka rin sumuntok,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa Senadora, kung mayroon mang magmamana ng acting career ng kanilang ama, malamang na si Lovin a yon dahil marami na itong napatunayan.

Anak si Lovi ni FPJ kay former actress-model Rowena Moran habang si Grace naman ay ampon ni FPJ at ng kanyang asawang si Susan Roces. – KAYE NEBRE MARTIN