LUMISAN na ang Bagyong Pepito nitong Lunes at patuloy ang assessment ng pamahalaan sa danyos na iniwan nito.
Naging mabilis ang paglakas ng bagyo at iwinasiwas ang Catanduanes at karatig lalawigan.
Pinakamalaking pinsala ng bagyong pumalo sa Super Typhoon ay pagkawala ng supply ng koryente at internet connectivity sa Catanduanes.
Habang sa Northern Luzon ay mayroon ding mga nawalan ng supply ng koryente.
Sa Daet, Camarines Norte, may isang lolo ang nasawi sa vehicular accident nang malaglagan ng kawad ng internet ang sasakyan nito at unang itinuring na dahil sa bagyo subalit kinalaunan ay binawi ng Office of the Civil Defense.
Sa Nueva Vizcaya naman ay may napaulat na pitong miyembro ng pamilya ang nasawi sa landslides.
Matindi rin ang naging pinsala sa agrikultura.
Maagap ang paghahanda ng gobyerno sa relief goods, mga evacuation center, mga kagamitan at mga personnel ng disaster response unit habang ang PAGASA ay updated sa kanilang weather advisory.
Isa pang pinapasalamatan ay ang naging papel ng Sierra Madre.
Ang Sierra Madre Mountain Range ay ang pinakamahabang bulubundukin sa bansa. Mula sa probinsya ng Cagayan sa norte hanggang sa Quezon Province at Bulacan sa Central Luzon, at umaabot pa hanggang sa lalawigan ng Rizal at bahagi ng Laguna at Aurora.
Ayon sa mga eksperto, magiging malala ang epekto ng Bagyong Pepito kung wala ang kabundukan na siyang sumangga ng tubig na dala ng bagyo.
Dahil sa lawak ng bundok mula mga lalawigan ng Cagayan hanggang Quezon, sinangga nito ang mga kaulapan at hangin kaya nabawasan na ang bagsak ng ulan.