TINIYAK ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umento sa sahod ng mga pampublikong guro ngayong taon.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa kanyang talumpati sa groundbreaking ng Gregorio National High School sa Bulakan, Bulacan.
Ayon sa Pangulo, kanya nang nakausap si Budget Secretary Ben Diokno hinggil sa naturang salary hike sa mga guro.
“I was talking to Diokno at the year-end to find out how things could be (afforded). I told him I prioritized soldiers because I know what will happen, kayo ang isusunod ko this year,” anang Pangulo.
Dagdag pa ni Duterte, nakahanda siyang makipag-usap sa mga kinatawan ng mga guro, kasama si Education Secretary Leonor Briones, para bumuo ng kasunduan kaugnay ng kanilang umento sa sahod.
Gayunman, binigyang-diin ng Chief Executive na hindi dapat kasama sa pulong ang mga miyembro ng makakaliwang grupo.
“I can maybe accommodate your representatives, go to Malacañang, but not the Left. They claim they are not communists. Let us not fool each other. I’ve been there.”
“I am willing to strike a deal in the presence of (education) secretary (Leonor) Briones, with the teachers. You can choose the date, January, do it fast, then we can make even an agreement or manifesto, choose whatever kind of document,” dagdag pa ni Pangulong Duterte.
DUTERTE PINURI
Nagpahayag ng pasasalamat si Senador Sonny Angara kay Pangulong Duterte matapos na tiyakin nito ang dagdag-sahod ng mga guro sa bansa.
Taong 2016 pa nang isulong ng senador ang salary adjustment ng mga guro at dahil sa pahayag na ito ng Pangulo, umaasa si Angara na tatapatan ng hakbang na ito ng Chief Executive ang antas ng teachers’ salary na kanyang ipinanukala, dalawang taon na ang nakararaan.
“Masaya tayo dahil iisa ang adhikain namin ng Pangulo pagdating sa kapakanan ng public school teachers. Napakahalaga na kilalanin natin ang kanilang importansiya sa lipunan, lalo na sa sektor ng edukasyon,” ani Angara.
“Isa ang mga guro sa mga taong may pinakamahihirap na trabaho kaya’t angkop lamang na bigyan din natin sila ng pagpapahalaga tulad ng salary increase,” ayon pa sa senador.
Congressman pa lamang ng lalawigan ng Aurora si Angara nang simulan nito ang pagsusulong na itaas ang sahod ng mga guro.
Nang maging senador, mas pinaigting niya ang pagtutulak sa salary increase ng mga guro at nagpanukala siya ng mga antas na sisiguro ng magandang pasahod sa mga ito.
Tinatayang nasa 35,000 faculty members ang makikinabang sa panukalang ito ng senador.
DAGDAG-SAHOD SA GOV’T WORKERS
Matatanggap na ng mga kawani ng gobyerno ang ikaapat at huling bahagi ng kanilang salary increase sa Pebrero.
Ayon kay Diokno, nangako naman ang Kongreso na magiging pangunahing prayoridad nila ang budget sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na linggo.
Nangangahulugan ito na malalagdaan na ang General Appropriations Act sa unang linggo ng Pebrero.
Magugunitang dapat epektibo na ang huling bahagi ng wage hike ng mga manggagawa sa gobyerno ngayong pagpasok ng 2019.
Subalit dahil nabimbin ang pag-apruba ng Kamara sa national budget ay hindi ito agad na naibigay. VICKY CERVALES
Comments are closed.