TINATRABAHO na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinangako niyang umento sa sahod ng mga guro.
Ito ang inihayag kahapon ng Malacañang kasabay ng pagtitiyak sa mga guro na naghahanap na ng pagkukunan ng pondo ang mga economic manager.
“The President is working on that. And hopefully that can be responded to. Our economic managers are doing everything to see how things can be done,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang briefing sa Palasyo.
Nauna nang nangako si Duterte na tataasan ang sahod ng mga titser makaraang umentuhan ang mga military at police personnel.
Ayon kay Panelo, hindi tatalikuran ng Pangulo ang kanyang pangako sa mga guro dahil may espesyal na lugar ang mga ito sa kanyang puso.
“You must remember that the mother of the President was a teacher and so his heart is with the teachers,” ani Panelo, patungkol sa yumaong ina ni Duterte na si Soledad.
Gayunman ay hindi masabi ni Panelo kung kailan maaaring matanggap ng mga guro ang dagdag-sahod dahil hinahanapan pa ito ng pondo.
“Let’s see. Because I’ve talked with the Secretary of Finance and the Budget Manager and they said that they are working on it. Let’s see how it goes,” aniya.
“I don’t know where they will get the funds, but they are looking for these sources. I think the economic managers have to answer that,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ni Panelo na isasaayos niya ang diyalogo sa pagitan ng Pangulo at ng mga kinatawan ng mga guro upang marinig ang kanilang mga hinaing.
Ilang ulit nang nanawagan ang mga guro sa Pangulo na tuparin ang pangako nitong pay hike.
Sa kasalukuyan, ang entry-level public-school teachers, na may Salary Grade 11 sa ilalim ng Tranche 4 ng Salary Standardization Law, ay may buwanang suweldo na P20,754.
Comments are closed.