ANG ginagawang Bicol International Airport (BIA) sa bayang ito na nakatakdang matapos sa 2020, ay inaasahang magiging pintuan ng malawakang pagdagsa ng turismo sa hilagang Luzon mula sa ibang bansa, at susi sa kaunlaran ng Bicolandia.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ang nakaeenganyong paglobo ng turismo sa bansa na nagtala ng mataas na 7.6 paglago – mga 2.2 milyong dayuhang turista — sa unang tatlong buwan ng taon, ay nagpapahiwatig lamang sa napakahalagang papel na gagampanan ng BIA tungo sa katuparan ng taunang target na 20 milyong dayuhang turista sa bansa.
Ang malaking dagdag sa bilang ng mga dayuhang turista, ayon sa Department of Tourism (BOT), bunga rin ng mga “dagdag na mga bagong diretsong biyahe ng ating mga airlines mula sa Japan at Australia at iba pa.”
Nananatiling pangunahing pinagmumulan ng dayuhang turista sa bansa ang South Korea, na sinusundan ng China, United States, Japan at Australia. Pinuna ni Salceda ang paglago ng bilang ng mga dayuhang turista nitong nakaraan ay pasimula na ng katuparan ng target na 20 milyong dayuhang turista sa bansa taon-taon.
Ang BIA ay kinikilalang “Most Scenic Gateway” o “pinakamagandang pintuan” ng turismo sa bansa. Binigyang diin ni Salceda ang napakahalagang papel na gagampanan nito lalo na ngayong lalong pinatitindi ng DOT ang kampanya nito para akitin ang mga banyaga na dumalaw at maranasan nila ang ibayong ganda at kasiyahan sa Filipinas,
Naghihintay sa mga turistang diretsong lalapag sa Daraga ang alindog ng Mayon Volcano, ang pinakamagandang bulkan sa mundo, at ang Cagsawa Ruins na nasa paligid lamang nito.
Si Salceda ang nagpanukala at nagtulak sa BIA noong dating kongresista pa siya at sa buong siyam na taon niya pagiging go-bernador ng Albay at Bicol Regional Development Council chairman. Nakuha ang right of way nito noong 2005 at naging puspu-san ang paggawa rito simula noong 2009. Naatraso ito sanhi ng ilang kadahinalanan sa nakaraan ngunit patuloy ng sumusulong ngayon.
Umaasa at nagtitiwala si Salceda na matatapos ito bago matapos ang panunungkulan ni Pangulong Duterte.
Nitong nakaraang Abril, iniulat ng Department of Transportation (DOTr) na 57.44% kumpleto na ang BIA. Tapos na ang “airstrip, runway, taxiway, apron and perimeter and fence” nito at kasalukuyang ginagawa naman ang mga gusali at kapaligiran ng paliparan.
Comments are closed.