HANDA na para sa lagda ni Pangulong BongBong Marcos (PBBM) ang prayoridad na panukalang batas na naglalayong repormahin ang sistema ng pagtatasa ng akmang halaga at buwis ng mga ‘real property’ o ari-arian gaya ng lupain, bahay, gusali, makinarya at mga katulad nito sa bansa, matapos ratipikahin ng Senado at Kamara ang ‘bicameral conference committee report’ nito kamakailan.
Ayon kay, Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means Committee chairman, may-akda ng panukalang batas sa Mababang Kapulugan ng Kongreso, matagumpay nilang naisaayos at napagsanib ang hindi magkakatugmang mga probisyon ng House Bill 6558 at Senate Bill 2386 na ngayon ay kilala sa ‘Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA).’
Ipinaliwanag ni Salceda na layunin ng RPVARA na suportahan at isulong ang pangmatagalang pagsisikap ng pamahalaan sa pananalapi sa pamamagitan na isang makatwirang ‘Schedule of Market Values’ na magiging batayan ng tamang pagtatasa ng buwis sa mga lupain, bahay, makinarya at iba pang ‘real property,’ at pagbalasa sa ‘Bureau of Local Government Finance (BLGF)’ ng Kawanihan sa Pananalapi na magkakaroon ng sariling ‘Real Property Valuation Service.’
Kapag ito’y maging ganap na batas na, dagdag ni Salceda, mapapabilis din nito ang lalong pagpapahusay at pagpapabisa sa paniningil ng buwis at paghahatid serbisyo ng mga pamahalaang lokal.
Kasama sa pagpapahusay ng sistema nito ang paglikha ng isang ‘Real Property Information System’ na magkakaroon ng ‘an up-to-date electronic database’ ng mga datos sa bentahan, palitan, sangla, pagpapaupa, donasyon, paglipat at iba pang mga transaksiyon at deklarasyon kaugnay sa ‘real property’ sa bansa.
Binigyang diin ni Salceda na layunin din ng panukalang batas ang pagpapatupad ng isang patas at makatwirang ‘valuation standards’ o mga pamantayan sa pagtasa sa halaga at buwis ng mga pag-aaring ‘real property’ para isulong ang katapatan sa mga transaksyon at makuha ang tiwala ng mga mamumuhunan.
Kasama sa mga ‘real property taxes’ ang ‘Special Education Fund, Idle Land Tax’ at iba pa na maaaring ipataw ng mga LGU sa ilalim ng Local Government Code.
Sa ilalim ng binalasang BLGF, magkakaroon ito ng sariling ‘Real Property Valuation Service’ na siyang “lilikha at susubaybay sa pagpapatupad ng ‘uniform valuation standards’ na pagbabatayan ng mga ‘appraisers and assessors’ ng mga LGU at iba pang ahensiya sa pagtatasa ng halaga ng mga lupa, gusali, makinanarya at iba pang ‘real property’ at pataw na buwis sa kanila.”