ISINUSULONG ni ‘House Ways and Means Committee chairman’ Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang panibagong 25 taong prangkisa ng ‘Manila Electric Company’ (MERALCO) upang mapanatili ang tuloy-tuloy na mabisang serbisyo ng pamamahagi ng koryente sa mga pamayanang saklaw nito. Ang pinakahuling prangkisa ng MERALCO ay sa bisa ng RA 9209 na magtatapos sa 2028.
Kaugnay nito, inihain ni Salceda sa Kamara ang “House Bill (HB) 9793, na aamyenda sa RA 9209 at magbibigay ng panibagong 25 taon upang magtatag, gumawa at pangasiwaan ang mahusay at mabisang sistema nito sa serbisyo ng koryente sa mga gumagamit nito.
Sinusuplayan ng koryente ng MERALCO ang 38 lungsod at 73 mga bayan sa Metro Manila, Bulacan, Cavite at Rizal bukod sa ilang mga lugar at pamayanan sa Batangas, Laguna, Quezon at Pampanga, na sentro ng industriya at negosyo, kasama ang mga pangunahing paliparan o ‘airports,’ pantalan o ‘seaports’ at mga ahensiya ng pamahalaan na mahahalagang susi sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa.
Binigyan ni Salceda ng pagpapahalaga ang papel at serbisyo ng MERALCO bilang mabisang tagapamahagi ng koryente sa mga tahanan at tanggapan ng mga kompanya at komersiyo na umabot na sa 7.6 milyon ang bilang noong 2022.
“Noong 2022 lamang, naipamahagi ng MERALCO ang 48,916 GWH ng koryente sa mga gumagamit nito sa ‘average’ na presyong P9.52 bawat ‘kilowatt hour’ (KWH). Ang karaniwang kunsumo ng koryente sa loob ng saklaw ng prangkisa ng kompanya ay mahigit na sa 50% o kalahati ng buong kunsumo ng koryente sa bansa noong 2022,” ayon kay Salceda sa ‘explanatory note’ ng kanyang bill.
Binigyan din niya ng diin na sa “proven track record” ng MERALCO sa loob ng 120 taon, napakahalaga at napakalaki ang tulong na nagawa nito sa pag-unlad ng iba’t-ibang sektor ng pambansang ekonomiya.
Sa kanyang ‘explanatory note,’ pinuna din ni Salceda na bagama’t sinasabi ng marami na “isa sa pinakamataas sa mundo ang presyo ng kuryente sa Pilipinas.” Sinasabi naman ng International Energy Consultants (IEC) sa report nito kamakailan na malaking bahagi kung hindi man ang kabuuan ng mga taripa sa elektrisided sa maraming bansa, kasama ang Indonesia, Malaysia at Thailand ay sinasagot ng kanilang pamahalaan, kaya “sa Pilipinas, ang presyo ng kuryente ay sinasalamin lamang ang aktuwal na halaga ng serbisyo nito.”
Sinabi rin ng IEC na sa kabila ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo mula noong 2022, at isasa-isang tabi ang subsidiya sa taripa ng ilang bansa, “lumalabas na ang presyo ng kuryente ng MERALCO ay 13% pang mababa kaysa karaniwang ‘world average,’” at ito ay dahil sa kakayanan ng kumpanya na humanap ng murang PSAs4” at mabisang mga ‘contract portfolio’ t tila napakahusay ang pangangasiwa nito.”
Kamakailan, ayon kay Salceda, sa inisyatibo ng MERALCO na kaagad namang sinuportahan ng ERC, iniutos ng huli ang pagbalik ng kompanya sa mga kliyente nito ng sobrang singil sa koryente, batay sa ‘review’ ng ERC sa mga binago at naantalang mga proseso mula 2012 hanggang 2015, na umabot sa P48 bilyon na lalo pang nagpababa sa singil sa presyo ng koryente.
Bilang suporta sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa, at pataasin din ang antas ng buhay ng mga mamamayan, namuhunan ng P220 bilyon ang MERALCO mula 2003 hanggang 2022 para sa mga bagong koneksiyon at proyektong lalong magpapalawak sa mga serbisyo nito bilang suporta din sa mga programa ng pamahalaan.
Ayon sa mga pagsusuri, patuloy na napahusay ng MERALCO ang serbisyo nito na nagtala ng 8% kabawasan sa ‘power interruptions (from 2021’s 1.41 times to 2022’s 1.30 times), with 7% shorter duration (128.4 minutes in 2022 vs. 138.8 minutes in 2021).’ Bukod dito, napaigsi rin ang tagal ng aplikasyon sa koryente ng mga bagong kliyente mula noong 2022 ay ngayon ay umaabot na lamang nga 2.20 araw, kumpara sa 2.96 araw noong 2021.