SALCEDA, NAGBIGAY PUGAY SA PAGBUBUKAS NG PNR NAGA-LEGAZPI TRAIN SERVICE

LEGAZPI CITY – Binigyang pugay  ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ang muling pagbubukas nitong nakaraang ika-27 ng Disyembre ng biyahe ng PNR train sa pagitan ng Naga City at Legazpi City na matagal at masugid niyang itinulak bilang mambabatas at dating gobernador ng Albay.

Ayon kay Salceda, lalong magpapasigla sa ekonomiya bukod pa sa higit na murang bayad sa pagbibiyahe ng mga mamamayan at mga produkto sa pagitan ng dalawang pangunahing sentro ng komersiyo sa Kabikulan.

“Natutuwa kami at muling nabuksan na ito pagkatapos ng anim na taon at napapakinabangan na ng mga kababayan naming Bikolano kaya masugid namin itong itinulak,” pahayag ni Salceda na siyang chairman ngayon ng House Ways and Means  Committee, at dating nagpanukala ng ‘PNR  South Long Haul project’ na mauugnay ng Metro Manila at Bicol.

Dalawang beses sa isang araw ang biyahe ng tren sa 100-kilometrong pagitan ng Legazpi at Naga na nagtatagal ng mga tatlong oras at P155 ang pasahe bawat pasahero. Umaalis ito sa Naga City ng 5:38 sa umaga at 5:47 sa hapon, at 5:45 sa umaga at 5:47 sa hapon mula sa Legazpi. Ang pasahe sa bus ay mga P160. Sa UV express naman mga P240 ang pamasahe ngunit mahigit sa dalawang oras ang biyahe.

Sa pakipagpulong niya kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista noong nakaraang Pebrero, ipinanukala ni Salceda na unahin na muna ang tren sa pagitan ng Naga City sa Camarines Sur at Legazpi City sa Albay na siyang ‘regional center’ ng Bicol.

Sa naturang pulong, nangako si DOTr Railways Undersecretary  Cesar Chavez, na isang Bikolano rin na kaagad niyang aasikasuhin ang panukalang ‘Naga-Legazpi Rail project’ na madaling mapopulondohan ng pamahalaan.

Sa kanilang pulong, natiyak nina Salceda at dalawang opisyal ng DOTr na talagang matagal bago magkaroon ng kaganapan ang ‘P142 billion PNR Long Haul project’ at higit na makatotohanan at praktikal kung uunahin ang bahaging Naga-Legazpi ng nasabing impraestuktura.

Binigyang diin din ni Salceda na ang makabuluhang pagsasaayos ng impraestrukturang pang-transportasiyon ay magpapasulong lalo sa turismo at ekonomiya ng Timog Luzon, lalo na ng Albay kung saan maraming ‘world-class tourist destinations.’

Itinalaga rin ni Pangulong Bongbong Marcos ang ‘PNR South Long-Haul project’ na isa sa mga prayoridad ng kanyang administrasiyon. Ang naturang proyekto, ayon sa Salceda, ay sadyang mahalagang impraestruktura hindi lamang para sa Bikol kundi para sa buong Timog Luzon, Kabisayaan at Mindanao.

Una itong binalangkas, pinagtibay at inirekumenda noong 2015 ng Bicol Regional Development Council na pinamunuan ni Salceda nang gobernador siya ng Albay. Inilarawan niya itong bahagi ng mga ‘multi-modal big-ticket projects’ na magtatalaga sa Bikol bilang pintuan patungo sa Kabisayaan at Mindanao.

Habang patuloy ang mga negosasiyon sa pagpopondo sa P142 bilyon PNR South Haul project, binigyang diin ni Salceda na napakahalaga ng kabubukas na bahaging Naga-Legazpi ng proyekto na madaling napondohan ng gobyerno at tiyak namang magbabalik agad sa salaping pinuhunan dito.