PARARANGALAN ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) si Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ng ‘2022 UNESCO Club Outstanding Public Servant in Good Governance sa Bayview Hotel, Manila.
Pagkilala ito sa kanyang mga natatanging nagawa at adbokasiya na nakatulong sa pagsulong ng mga ulirang layunin ng pandaigdigang ahensiya. Malimit gawaran ng mga parangal si Salceda ng iba’t-ibang pambansa at pandaigdigang mga ahensiya dahil sa mga nagagawa niya. Noong 2016, itinalaga ng UNESCO ang Albay bilang ‘UNESCO Biosphere Reserve’ bunga ng mga nagawa at pagsusumikap niya nang gobernador siya ng kaniyang lalawigan.
Nasa ikatlo at huling termino ngayon si Salceda sa ‘House of Representatives’ kung saan pinamumunuan niya ang Ways and Means Committee. Bilang mambabatas, binalangkas at inakda ni Salceda sa Kamara ang mahahalagang mga batas na naging daan upang mabago ang sistema sa edukasyon at pagbubuwis, at mapasulong at mapatibay ang ekonomiya ng bansa.
Kasama sa mahahalagang mga batas na inakda niya ang ‘Universal Access to Quality Tertiary Education Act’ (RA 10939), ‘Tax Reform for Acceleration and Inclusion or TRAIN Act’ (RA 10963), ang ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises or CREATE Act’ (RA 11534), at ang tinatakakay pang ‘Real Property Valuation Reform Act’ at ‘Financial Intermediary Taxation Act,’ bukod sa iba pa.
Layunin ng UNESCO Club Public Servants Award na kilalanin ang mga opisyal, pamahalaang lokal, pribadong samahan, at samahang pang-kabataan sa mga paaralan na ang mga programa at pagsusumikap ay nakakatulong sa pagsulong ng mga adhikain at prinsipiyo ng UNESCO, gaya ng mga sumusunod:
“Palaguin at pasiglahin ang mga kultura at sistema ng pamumuhay ng iba’t-ibang mga lahi na nakakatulong sa pagpapalaganap ng kapayapaan at pag-unlad ng sangkatauhan.
“Pahalagahan ang malikhaing mga inisyatibo ng mga kabataang lider na nagtutulak tungo sa katuparan ng mga adhikain ng UNESCO; palaganapin ang kaalaman ng publiko at palakasin lalo ang kakayahan ng mga komunidad tungo sa kaunlaran; at kilalanin ang mga pamahalaang lokal na nagpakita ng makabuluhan at mga kongkretong nagawa sa pangangasiwa, makataong paglilingkod, at pagpapaunlad ng ekonomiya para sa kapakinabangan ng kanilang mga bayan at mamamayan.”
Bukod kay Salceda, ang iba pang kikilalanin at pararangalan ng UNESCO ay kinabibiliangan ng mga pamahalaang lokal, LGU at samahan ng mga kabataan sa paaralan. Nakalaan ding tumanggap ng pagkilala bilang UNESCO Club ang ‘Albay Young Farmers Program (AYFP),’ na binuo at itinatag ni Salceda sa kanyang lalawigan.
Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ng UNESCO na bilang isang pandaigdigang kilusan ng mga karaniwang mamamayan, ang UNESCO Clubs ay suportado ang mga prayoridad na programa ng kanilang inang ahensiya, gamit ang karanasan, kasanayan, kahusayan at pangkapayapaang pananaw; pati na rin ang ibang mga tao na matatag ang pananalig sa mga adhikain ng UNESCO.