LEGAZPI CITY – Pinuri ni Albay 2nd District Representative Joey Sarte Salceda ang ‘Albay Young Farmers Organization, Inc. (AYFO)’ dahil sa mga karangalang inani nito na ang pinakahuli ay ang taguring ‘first of its kind civil society youth organization (CSO)’ sa bansa.
Isinulong at tinulungan ni Salceda ang pagtatag ng AYFO at mga adhikain at programa nito na naglalayong palaguin ang sektor ng agrikultura at maging puwersa ng kabataan tungo sa tiyak na kasaganaan sa pagkain sa Albay at buong rehiyon ng Bicol at sa buong bansa.
Tinanggap ng AYFO ang pinakahuling parangal nito noong ika-1 ng Disyembre 2023 mula kay Department of Agriculture (DA) Bicol Regional Director Rodel P. Tornilla. Kinila ng DA ang AYFO bilang “lehitemong CSO” at ‘partner’ ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa sa agrikultura at pangingisda at iba pang mga katulad na inisyatibo.
Binigyang diin ni Salceda ang napakahalagang papel ng AYFO sa pagpapalaganap ng mga tamang kaalaman at impormasyon sa makabagong teknolohiya sa agrikultura at pagsasaka na ayon sa kanya ay “crucial” na kailangan para sa mga susunod na henerasyon.
Bago ang parangal mula sa DA, umani rin ang AYFO ng mga parangal bilang pagkilala sa sadyang kahanga-hangang mga nagawa nito, kasama ang ‘Ten Accomplished Youth Organization (TAYO) Award,’ mula sa hanay ng mga 491 katulad niton mga samahan sa bansa; ‘Adhika Fellowship Grant Award,’ ‘San Miguel Better World Award,’ at bilang pangalawa sa ‘Video Stint Award,’ na lalong nagpatibay sa isinusulong nitong ‘agriculture and community development’ at iba pang inisyatibo.
Patuloy na binabandila ng AYFO ang misyon at kampanya nitong isinisigaw ang temang “Walang Albayanong Magugutom” na ayon kay Salceda ay nakaugat sa paniniwalang ang ‘food security’ ay isang “fundamental human right” na pinahahalagahan ng mga Albayano para sa lahat.
Ngayong 2024, inihanay ng AYFO ang mga proyekto nito sa temang “ANGAT – Agri-Youth Network for Growth, Agriculture and Transformation,” na nakapaloob sa misyong lalong palakasin ang kapangyarihan ng mga kabataan na isulong ang mga pagbabago at pag-unlad sa agrikultura, kasabay ang patuloy pag-asenso ng teknolohiya at ekonomiya ng bansa.
Nakapaloob din sa temang ANGAT ang layunin ng AYFO na isulong ang mga inisyatibo ng mga kabataan tungo sa lalong masiglang pagbabago at pag-asenso sa sektor ng agrikultura sa Albay.
Binabandila ito ng proyektong “Albay Edible Landscaping Project” na nasa ikalimang ‘season’ na ngayong taon. Ilulunsad ito muli sa susunod na buwan (Marso).
Magkasamang pinasimulan ang naturang proyekto ng AYFO at ng ‘congressional office’ dito ni Salceda noong 2021. Layunin nito na isulong ang kaisipang sa halip na mga halamang ‘ornamental’ ang itanim, mga gulay at ibang pagkaing halaman ang dapat itanim sa mga bakuran. Malawakan ang naging tugon dito ng mga Albayano. Ngayong ika-5 taon ng ‘Edible Landscaping sa Albay Project,’ 301 barangay sa lalawigan ang nagpahayag ng pagsali dito, higit na mataas at masigla kaysa nagdaang apat na taon.
Naniniwala si Salceda na ang mga tagumpay na natamo na ng AYFO ay magbubukas ng daan upang umani pa ito ng dagdag na pagkilala at suporta mula sa ibang ahensiya ng gobiyerno at pribadong sektor man. Binigyang diin ng mambabatas ang napakamahalagang papel ng AYFO sa pagbibigay hugis sa agrikultura at kapaligiran sa hinaharap sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng tamang adbokasiya at mga kaalaman.
Batay sa mga parangal at pagkilala na inaani nito, patuloy namang isinisulong nga AYFO ang mga adbokasiya nito tungo sa pag-unlad ng bansa. Ang AYFO ay bahagi ng ‘Albay Young Farmers Program or AYFP,’ isang ‘post-pandemic agricultural adaptation program’ para sa mga kabataan na inorganisa ni Salceda, na ngayon ay kasapi na ng ‘National Coordinating Body of UNESCO Clubs in the Philippines (NCBUCP).’
Tinanggap ng AYFP ang akreditasiyon nito bilang isang kasapi ng ‘UNESCO Club’ sa idinaos na ‘International Assembly of Youth for UNESCO (Y4U) na ginanap noong Desiyembre 2022 sa Bayview Park Hotel, Manila. Isa ito sa 25 mga grupong kinilala ng UNESCO noong 2022.