NANAWAGAN si House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa economic managers ng bansa na bigyan ng patas na pagpapahalaga ang pamumuhunan sa mga impraestraktura at mga mamamayang Filipino para matiyak na ang pag-urong ng gross domestic product (GDP) ay hindi lumala sa permanenteng pagkawala ng kita at pagbagsak ng pambansang ekonomiya.
Kailangan munang bigyan ng pamahalaan ng patas at agad na pamumuhunan ang impraestraktura at pagsulong ng kakakayan ng mga mamamayan ngayong taon o sa susunod, ayon kay Salceda, isang kilalang ekonomistang mambabatas na co-chairman din ng House Economic Stimulus Response Package Cluster.
Sa mga ulat, bumaba ang pambansang ekonomiya ng 16.5 porsiyento sa ikalawang kwarter ng taon dahil sa perhuwisyo at pananalasa ng COVID-19 pandemic.
Gayunman, binigyang-diin ni Salceda na nananatiling matibay at ‘resilient’ pa rin ang kakayahan ng pambansang ekonomiya.
“Totoong masamang balita ang pag-urong ng GDP ngunit dapat itong unawain sa wastong perspektibo o pananaw. Kahit 50-70% hindi tayo makagalaw, magagawa pa rin nating maging 80% may silbi. Sa madaling salita, magagamit pa rin upang makakilos nang makabuluhan. Kailangan nga lang na magsikap at kumilos nang magkatugma ang economic team sa Kongreso at katapat nila sa Ehekutubo,” pagbibigay- diin niya.
Ayon kay Salceda, kasalukuyan siyang nakikipag-usap sa mga sangkot na ‘economic managers tungkol dito, habang kasalukuyan din niyang binabalangkas ang mga panukala para sa ‘economic reconstruction’ na inaasahan niyang kokonsiderahin ng gobyerno.
Sa ngayon, dagdag niya, dapat ipasa agad ng Kongreso ang mga panukalang repormang pang-ekonomiya sa sadyang kailangan na.
“Kailangang ipasa na ng Kongreso ang nakabimbing bills dito, kasama ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) at mga amyenda sa Foreign Investments Act, Retail Trade Liberalization Act, and Public Service Act.
“Naihain na namin ang mga panukala namin sa naturang bills at sana mabilis ding kumilos ang Senado” paliwanag niya.
Binigyang-diin ni Salceda na “hindi makaaakit ng mga bago at karagdagang pamumuhunan ang Filipinas at makalikha ito ng mga bagong trabaho kung, gaya ng sinasabi ng ng OECD (Organization for Economic Cooperation and Development), tayo ang may pinakamahigpit na limitasyon sa mga mamumuhunan sa buong Asia.”
Ipinaliwanag ni Salceda na dapat pagtuunan din ng ibayong atensiyon ang agricultura na sadyang kailangan kahit sa panahon ng krisis. Mahalaga, aniya, ang pagkain at dapat manatiling masigla ang industriya ng paglikha ng pagkain.Siya ang pangunahing may-akda ng mga amyenda sa Agri-Agra Act, na naglalayong lalong pahusayin ang pagpapahiram ng puhunan sa mga magsasaka.
Comments are closed.