SALI NA SA LAKADASAL 2022 SA MAYNILA AT QC!

KUNG  ikaw ay naghahanda na para sa Mahal na Araw nitong ika-10 hanggang ika-17 ng Abril, maaaring isama sa iyong mga plano ang Visita Iglesia. Mapalad tayo ngayong taon sapagkat maaari na tayong lumabas ng tahanan at magpunta sa mga simbahan.

Isa na itong kaugalian o panata ng marami sa ating mga Pilipino, ang pagbisita sa pito o higit pang mga simbahan sa Huwebes Santo at Biyernes Santo. Nagsimula ang tradisyong Romanong ito noong pang ika-16 na siglo sa pamumuno ni St. Philip Neri.

Ang ibang deboto ay naglalakad nang naka-paa papunta sa mga simbahan. Ang iba naman ay may pasan pang krus upang makibahagi sa paghihirap ni Kristo. Ngunit ang karamihan ay gumagamit na ngayon ng sasakyan, kasama ang buong pamilya at mga kaibigan. Kasama na rin sa paglilibot ang kaunting pamamasyal.

Kung nais na makibahagi sa Lakadasal 2022 (Visita Iglesia kasama ang Manilakad), maaaring magpadala ng mensahe sa 09163597888. Ang Lakadasal 2022 ay magaganap sa Maynila sa Huwebes Santo (ika-14 ng Abril), at sa Quezon City naman sa Martes, ika-12 ng Abril.

Kasama sa Lakadasal 2022 Maynila ang mga simbahan sa Binondo, Sta. Cruz, Quiapo, Sampaloc, at San Miguel. Unang pagkakataon naman para sa Manilakad ang pagkakaroon ng Visita Iglesia sa Quezon

City, kabilang ang mga simbahan sa Scout at New Manila area.

Paalala lamang ang pag-iingat habang nagsasagawa ng Visita Iglesia—isuot natin ang ating mga face masks, ugaliin pa rin ang madalas na paghuhugas ng kamay, at magdala tayo ng sapat ng tubig inumin, payong, tuwalya, pamaypay, at pamalit na damit upang maiwasan ang pagkakasakit dahil sa init at COVID-19.