Sa milyong taong nagdaan, isang bundok sa Bambang, Nueva Vizcaya ang kataka-takang makagagawa ng asin. Tinatawag itong Salinas Salt Springs.
Isa itong munting bundok o burol na nababalutan ng puting puting asin.
Mula sa malayo, nagsisilbi itong makinang na brilyante sa gitna ng berdeng kagubatan. Napakaganda nito, kaya naman tama lang na ituring itong isa sa mga natatanging natural wonders of the world.
Sa daan-daang taong nagdaan, kumuha ng ikabubuhay ang mga tao sa Bambang na bundok na itong bukal ng asin. Gumawa sila ng mga palaisdaang tubig-alat ang gamit, at ang mga maliliit na lawa sa paligid nito ay nagbigay rin sa kanila ng biyaya.
Hindi lamang iyan. Hinukay rin nila ang asin at ibinenta.
Dahil kakaiba, pinagdarayo rin ito ng mga turista, kahit pa noong panahon ng mga Kastila. Sa katunayan, sila ang nagbigay dito ng pangalang Salinas, na ang literal na kahulugan ay gawaan ng asin o mina ng asin.
Ngunit dalawampung taong na ang nakararaan, bigla na lamang nawala ang mina.
Sinasabi ng ibang naubos na ang asin sa Salinas Salt Spring dahil napakatagal na nito. May nagsasabi namang hindi mapangalagaan ng gobyerno ang kaisa-isang “galpang” (Salt Spring) ng Bambang. Maraming turista ang nagtutungo rito, at marahil, may mga bisitang nakalaglag ng sensilyo o plastic sa bunganga ng galpang kaya nabarahan ang daluyan ng maalat na tubig.
Nagsimulang humina ang daloy ng tubig dito ay nag-iba na rin ang kulay. Marahil, naaapektuhan na rin ito ng polusyon. Hanggang noong 1990, tuluyan na itong natuyo.
Sa kwento ng mga matatandang taha-Bambang, noong unang panahon daw ay may isang mayamang Rajah na nagngangalang Aklayan. May anak siyang napakagandang dalaga na ang pangalan ay Yumina. May lihim na kasintahan si Yumina — si Gumined, isang guwapo at matapang na lalaking napakahusay sa pana.
Ayaw umano ni Aklayan kay Gumined dahil isa lamang siyang karaniwang mamamayang walang maipagmamalaki.
May iba pang mangingibig si Yumina — si Indawat, na napakalaki ng galit kay Gumined.
Isang araw, pataksil na pinatay ni Indawat si Gumined, at itinapon nito ang bangkay sa ilog.
Labis na ipinagdalamhati ni Yumina ang pagkamatay ni Gumined, kaya nagpasiya siyang hanapin ito sa kabilang buhay. Siya ay nagpakamatay.
Ngunit nang ililibing na ang katawan ni Yumina, bigla na lamang naglaho ang kanyang bangkay, at sa lugar kung saan siya nakaburol ay sumulpot ang isang bukal, kung saan maalat ang tubig.
Anila, marahil ay hindi pa rin matagpuan ni Yumina si Gumined kaya patuloy siyang umiiyak, at ito nga ang naging halpang na kalaunan ay tinawag na Salinas Salt Spring.
Ito ang pinagkukunan ng kabuhayan ng lahat ng mamamayan sa Bambang bago itinayo ang hydroelectric dam noong 1960s.
Maliit na barangay lamang ang Salinas sa Bambang ngunit malaki ang naitulong ng Salt Spring sa pag-unlad nito.
Ngayong huminto na ito sa pagdaloy, palagay ba ninyo, matagpuan na ni Yumina si Gumined?
JAYZL V. NEBRE