CAVITE – Rehas na bakal ang binagsakan ng 40-anyos na miyembro ng Salisi Gang na dumayo pa sa lalawigang ito mula sa Maynila para sa kanyang modus operandi makaraang masakote ng mga awtoridad sa loob mismo ng kilalang shopping mall sa Brgy. Manggahan, General Trias City kamakalawa ng gabi.
Kinasuhan habang nakakulong sa police custodial center ang suspek na si Louie Campos y Quezada ng Sampaloc, Manila.
Sa ulat ni P03 Christopher Dumlao na nagsumite sa Camp Pantaleon Garcia, pumasok ang suspek na nagpanggap na kostumer sa Waltermart kung saan minamatyagan nito ang ilang mamimili.
Gayunman, lingid sa kaalaman ng suspek ay nagkalat ang ilang sekyu na hindi naka-uniporme sa bahagi ng shopping mall at nagmamatyag din sa kilos ng mga pumapasok sa supermarket.
Dito na sinamantala ng suspek na ilabas ang naiwang steel cart ng mamimili na naglalaman ng 90 pirasong car freshener, 3 micro fiber car towel at isang umbrella na nagkakahalga ng P26,000.
Ilang hakbang na lamang palabas ng exit ng shopping mall ang suspek na tulak-tulak ang steel cart nang mamataan at sitahin ng male supervisor na si Richard Sarmiento.
Walang maipakitang resibo o anumang papeles ang suspek kaya ito inaresto bago binitbit sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposition. MHAR BASCO
Comments are closed.