IA-ASSESS ng Department of Health (DOH) sa susunod na linggo ang isinasagawang pag-aaral ng Philippine Red Cross (PRC) sa saliva test upang malaman kung maaari na ba itong magamit sa bansa sa pagtukoy ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sisimulan nila ang assessment sa Lunes.
Nabatid na sa ngayon ay nasa proseso na ang PRC ng pagsasagawa ng rekomendasyon para sa isinasagawa nitong pag-aaral sa COVID-19 sa-liva test.
“Sa ngayon po, sila po ay tinatapos na lang ‘yung sinabing recommendations ng ating laboratory expert panel para mabuo na po ang pag-aaral,” ani Vergeire, sa panayam sa telebisyon.“Sa Monday po, magpe-present na po sila sa atin para makita natin kung acceptable na po at puwede na pong gamitin.”
Ani Vergeire, Setyembre pa nang simulan ng DOH ang pakikipag-ugnayan sa PRC hinggil sa paggamit ng saliva test sa pagtukoy ng mga COVID-19 cases.
Una naman nang sinabi ng PRC na ngayong Enero lamang sila nakatanggap ng feedback sa DOH hinggil sa saliva test kaya’t kaagad na nagsagawa ng COVID-19 saliva tests sa may 1,000 health workers, alinsunod sa requirements ng DOH para sa full approval ng naturang testing method.
Kinumpirma naman ni PRC Chairperson at CEO, Senator Richard Gordon na siya mismo ang nanguna sa pagsalang sa saliva test.
Sinabi ng PRC na sakaling maaprubahan, ang saliva testing ay isang mas mura, mas madali at mas mabilis na alternatibong pagsusuri laban sa COVID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.